'Singit at Taga' hindi Sipag at Tiyaga
SI Mr. “Sipag at Tiyaga” o si Senate President Manuel Villar ay inaakusahan ni Sen. Ping Lacson na nagmaniobra para maisama sa pambansang budget ang halagang P200 milyon para sa isang “road to nowhere” project. Galit namang itinanggi ito ni Villar.
Totoo man o hindi, bakit ka nga naman hindi magagalit sa ganyang akusasyong nakasisira ng reputasyon? Hindi sipag at tiyaga ang ganyang gawain kundi - “singit at taga” wika ng barbero kong si Mang Gustin.
Sige. Ganyan talaga ang politika. Nasa Senado lahat ang mga presidential wannabes kaya panoorin natin ang battle royal. Matira ang matibay! Parang wrestling na may kasamang kampihan ng mga malalakas para itapon sa ruweda ang mga mas mahina hanggang sa isa na lang ang matira sa ring.
Pero ang sabi naman ni Mr. Eksposey Ping Lacson, “walang kinalaman sa 2010 elections ang usapin.” Aniya, may kinalaman ito sa anomalyang dapat sagutin ng mga taong dapat managot.
Tugon naman ni Sen. Juan Ponce-Enrile, “eh di magdemanda kayo sa Korte!”
Para sa akin, okay na okay ang pagbubunyag ng mga katiwalian gaya ng ginagawa ni Ping Lacson. Okay kung may kinahihinatnan at may natutuldukan.
Pero wala eh. Ang suma total, gobyernong walang direksyon, magulo at walang nagagawang maganda. Kaya kung ang sinasabing proyektong panlansangan ay road to nowhere, ganyan din naman ang mga pagbubunyag na nangyayari sa Senado. Road to nowhere dahil walang kinahihinatnan kundi paikut-ikot.
Pambihira, malapit na ang 2010 and yet we are in no better situation but only worst that before!
- Latest
- Trending