Kailan tatama ang weather forecasts?
PERFECT ang weather forecasts dito sa United States, hindi katulad sa Pilipinas. Dito, detalyado ang kanilang sinasabing impormasyon kapag may hurricane. Ang nakahahanga, malayo pa ang sama ng panahon ay ibinabalita na kaagad nila. Malayo pa, alam na ng weather station dito kung may darating na hurricane at kung saan ito patungo. Nalalaman din nila kung gaano kalakas ang hangin at ulan.
Nang dumating ang Hurricane Gustav sa Louisiana ay maraming tao ang nakapaghanda. Paano’y hindi pa man dumadapo ang Gustav ay nagbibigay na kaagad ng warning ang weather station central kaya naman nakapagprepara ang mamamayan.
Ang kasunod na nananalasa ay ang Hurricane Ike na agad din namang ibinalita ng weather station. Halos eksakto ang araw ng dating ng Hurricane na sinabi nilang hindi bababa sa category 3 ang lakas na bagyo. Talagang malakas ang Hurricane Ike gaya ng ibinalita ng weather station. Malakas ang hampas ng hangin at ulan. Tinamaan ang mga lugar na binanggit sa weather forecasts.
Sana ay ganito kagaling ang pagbibigay ng balita sa PAGASA. Nakakadismaya kasi ang ibinabalita ng PAGASA sapagkat mali ang forecasts sa bagyo. Ang nangyayari tuloy ay hindi makapaghanda ang mamamayan at awtoridad sa pagdating ng bagyo. Walang nagagawang hakbang para masiguro ang kaligtasan ng mamamayan. Wala sa kalingkingan ng US ang ginagawa ng PAGASA.
Malaki ang maitutulong ng media para magkaroon ng pagbabago sa PAGASA. Nararapat batikusin nang batikusin para magkaro-on nang reporma sa PAGASA. Ang alam ko may malaking budget na nakalaan sa PAGASA para bumili ng mga bagong equipment o sophisticated radar na madaling matunton ang path o kaya’y ang “mata” ng bagyo. Dapat na magka roon ng mahusay na equipment ang PAGASA dahil palaging dinadalaw ng bagyo ang Pilipinas.
- Latest
- Trending