^

PSN Opinyon

Lumiliit na mundo ni Bolante

K KA LANG? - Korina Sanchez -

LUMILIIT na ang mundo ni Jocjoc Bolante, ang principal suspect sa “fertilizer scam”, kung saan mahigit P700 milyon na pondo ang sangkot. Pambili umano ng fertilizer para sa mga magsasaka pero ginamit sa ibang paraan. Isang hinala rito ay ang umano’y pagpondo sa kampanya ni President Arroyo noong 2004 presidential elections. Itinanggi na ng Court of Appeals ng US ang hiling ni Bolante na siya’y bigyan ng political asylum. Kaya sa loob ng 90 araw ay puwede na siyang madeport sa Pilipinas. Pagtuntong ni Bolante sa NAIA, ay arestuhin na kaagad dahil may nakabinbin na mga kaso laban sa kanya.

Nagbabala si Atty. Harry Roque sa sinumang tao o ahensiya na tutulong kay Bolante. Para na rin daw nilang tinutulungan ang isang kriminal. May mga usapin kasi na mismong ang Department of Foreign Affairs ang gumaga-wa ng mga paraan para mag-apela sa desisyon ng korte sa Korte Suprema ng US. Talagang halata na pagaga­lawin ng administrasyong ito ang langit at lupa para hindi makabalik si Bolante sa Pilipinas at mapilit na magsabi ng totoo. Kaya naman ganoon na rin ang takot na umuwi ni Bolante at baka kung ano pa ang gawin sa kanya kapag nandito na.

Pero sabihin na nating makabalik nga si Bolante at makasuhan, may mangyari naman kaya sa kaso o sa imbestigasyon? O baka mangyari rin dito ang katulad ng nangyayari na sa dinami-daming kaso ng anomalya tulad ng ZTE/NBN, swine scam, Northrail, CyberEd, at kung     anu-ano pa! Heto nga’t nagdesisyon pa ang Korte Suprema na pumapanig kay dating NEDA Director Romulo Neri — na hindi na nito kailangang ibunyag   sa publiko ang mga sekreto nilang usapan ni President Arroyo ukol sa maanomalyang ZTE-NBN Deal (kahit na uma­min pa si Neri sa Senado na may suhu-lan sa tran­saksiyon). Baka nga dahil dito ay maligtas na rin si Bolante sa pagsasalita kahit pa makaba-lik ng Pinas. 

Nakapahinga ang administrasyong ito mula sa mga imbestigasyon at matitinding pagbatikos dahil nabaling    ang atensiyon sa bagyong Frank at paglubog ng MV Princess of the Stars, pagtaas ng presyo ng langis, pagkain at kuryente at, ngayon ay bakbakan sa Mindanao na ang ugat ay ang palpak na Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD). Pero, nakikita naman natin ang ebidensiya —— hindi makakalimutan ng tao ang mga isyu na ito. Babalikan at babalikan din ang mga tanong na hanggang ngayon ay hindi sinasagot.

Kung sakaling pabalikin na nga si Bolante, isa na namang telenobela sa Senado ang tiyak na magaganap. At dito maaari na namang lumabas ang pinakagasgas na panlaban ng administrasyon — ang executive privilege. Siguradong hindi naman si Bolante ang utak sa likod ng pagdispalko ng pondo. May nag-utos sa kanyang gawin ito, at alam naman natin na kung sino ang pinakamalaking makikinabang sa laki ng pondo. Tamang-tama, baka sa kapaskuhan, nandito na si Bolante para lutuin sa imbes­tigasyon at tanggapin ang kanyang Christmas gift galing sa Malacañang dahil hindi niya binubuko ang anomalya hanggang ngayon.

ANCESTRAL DOMAIN

BOLANTE

COURT OF APPEALS

DEPARTMENT OF FOREIGN AFFAIRS

DIRECTOR ROMULO NERI

HARRY ROQUE

KORTE SUPREMA

PRESIDENT ARROYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with