Isang parangal kay Betty Go-Belmonte
MALAKI ang impluwensiya ni Betty Go-Belmonte sa buhay ng mga mahihirap. Si Mrs. Belmonte ang yu- maong founder ng Philippine STAR at Pilipino Star NGAYON.
Binasa ko ang mga artikulo ni Mrs. Belmonte sa Philippine STAR, ang “Pebbles,” mula 1988 hanggang 1994. Kakaiba ang kabaitan niya.
Ginamit ni Mrs. Belmonte ang kanyang diyaryo para makalikom ng pera para sa mahihirap. Halos linggu-linggo ay may tinutulungan siyang pasyente.
Katulad ng isang batang may rheumatic heart disease na kailangan ng balbula sa puso, si Mrs. Belmonte ang naghanap ng pondo para sa bata. May isa naman na nangangailangan ng pang-gastos sa operasyon, siya rin ang tumugon. Parang milagro na dumarating ang pera sa mga pasyente.
Kahit may nagsasabi na hindi bagay ang kanyang sinusulat sa peryodiko, tinutuloy pa rin niya ito. “Kawawa naman ang mga pasyenteng ito,” ani niya. Ang mga sikat niyang donor ay sina Presidente Cory Aquino at First Lady Ming Ramos.
Noong nagkasakit si Mrs. Belmonte noong 1993 ay halos araw-araw na ang pagsusulat niya ng mga apila ng pasyente. At nang yumao siya sa batang edad na 60, ipinagpatuloy ng kanyang anak, si Mr. Miguel Belmonte, ang mga kawanggawa ng STAR’s Operation Damayan.
Kung mabait at madasalin ang magulang, ganoon din ang namamana ng anak. Mula 1995, pinalawak ni Miguel Belmonte ang mga proyekto ng ina. Ang Operation Damayan ay (1) nagbibigay ng tulong sa mga batang may sakit, (2) nagbibigay ng libreng edukasyon sa mga may edad, (3) nagsasagawa ng medical mission, (4) tumutulong sa mga biktima ng bagyo at kalamidad, at (5) nag-aalaga ng ating kapaligiran.
Sa katunayan, milyun-milyong piso ang ginagastos ng STAR bawat taon para lang makatulong sa mahihirap. Dahil dito, nanalo si Mr. Miguel Belmonte ng Ayala Young Leaders Award dahil sa kanyang pagkakawang-gawa.
Tuloy ang inspirasyon ni Betty Go-Belmonte
Ngayong nakalipas na dalawang buwan, may apat na apila ng pasyente ang inilathala ng Philippine STAR. Ito’y sina (1) Eliza Agapito, 9 taon na nakaku-ha ng pondo para sa kanyang Leukemia; (2) Tess Pantaleon, 53 taon na nabigyan ng pacemaker na nagkakahalaga ng P200,000; (3) Gian De Guzman, 13 taon na may sakit sa dugo na nakalikom ng pera pang-medikal, at (4) Reygie Begonia, 6 taon na may butas sa puso na nakakuha ng P65,000 para sa operasyon sa puso.
Dahil sa dami ng tinutulungan ng Philippine STAR at Pilipino STAR NGAYON, hindi kataka-taka na nangunguna ito sa larangan ng mambabasa at advertisers.
Noong nabubuhay pa siya, tinanong si Betty Go-Belmonte kung bakit siya pursigidong tumulong sa mahihirap.
Simple lang ang tugon niya, “Itong lahat ay para sa Kanya.” “God First” ang layunin ng Philippine STAR at Pilipino Star NGAYON.
* * *
(E-mail: [email protected])
- Latest
- Trending