(Last Part)
TADTAD ng bala si SPO4 Antonio Espadero pero nagawa pa rin niyang makapunta sa Polymedic Clinic. Naratnan niya sa ospital ang security guard na si Emmanual Edelio Bermony na ginagamot matapos tamaan ng bala sa naturang encounter.
Hindi alam ni Espadero na nasundan pala siya sa ospital ng mga holdaper at pilit kinukuha ng mga ito. Naglayasan lamang ang mga ito nang dumating ang sangkaterbang mamamahayag, he-he-he! Buwenas talaga di ba mga suki! Kung nagkataon na walang media ng mga oras na iyon tiyak na tigok na ang ating bayani.
Sa ikalawang pagkakataon, nakasagupa naman ni Espadero ang apat na FX robbery holdap gang kung saan ay napatay niya ang isa na nakilala lamang sa alyas na “Paring” at nasakote ang dalawa na sina Mario Mercado at Rafael Rocha sa may paanan ng Jones Bridge sa Binondo.
Nakasagupa niya ang mga holdaper nang siya’y papasok sa kanyang pinagdu-dyutihan police station sa Gandara. Bakit nga naman pababayaan ni Espadero ang kanyang mga kapwa pulis na pinagbabaril ng holdaper ng mga oras na iyon? He-he-he! Nailigtas pa niya ang may 11 pasahero ng FX. Palakpak naman dyan mga suki!
Sa ikatlong pagkakataon, naganap sa may kahabaan ng Osmeña Highway corner Pedro Gil, Sta Ana, Manila habang nakatalaga siya sa isang checkpoint. Napatay ang holdaper na si Paolo Decena at nakatakas ang apat pa nitong kasamahan nang makasagupa ng grupo nina Espadero ang mga salarin habang hinoholdap ang isang taxi.
At nito ngang pinakahuling pangyayari ay nang mapatay ni Espadero ang isang holdaper sa Quiapo nang ito’y maaktuhan habang hinoholdap ang pampasaherong jeepney. Nalagay sa bingit na kamatayan ang buhay ni Espadero matapos pagbabarilin ng tatlong holdaper. Napatay niya ang isa sa mga holdaper at nakatakas ang dalawa. Sigurado si Espadero na may tama rin ang dalawang holdaper na tumakas dahil may bakas ng dugong kumalat sa kalsada na tinakbuhan ng mga ito.
Sa apat na madugong engkuwentro ay hinangaan ng kapulisan ang katapangan ni Espadero at tinanghal siyang buhay na bayani ng kanyang mga kababayan sa lupang sinilangan sa Samar, he-he-he! Buhay na bayani na umaasa na mapansin muli siya ng pamunuan ng Philippine Natio-nal Police (PNP) at ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Mamang Pulis Chief Avelino Razon, h’wag puro pangako na lamang ang inyong igawad sa kabayanihan ni Espadero. Iputong na ninyo ang bara sa kanyang balikat upang maibsan na ang kirot ng kanyang katawan sanhi ng mga sugat sa pakikipagbarilan sa pagbigay proteksyon sa mamamayan.
At habang di pa naipuputong ang bara sa inyong mga balikat, wag kang mag-alala Espadero at sa darating na mga araw ay mapapasaiyo rin yan. Kukulitin ko si Razon upang makamit mo ang pabuyang nararapat sa iyo. O mga kapu lisang tutulog-tulog diyan, tularan ninyo ang katapangan ni Espadero upang mapangalagaan ninyo ang mamamayan.