NAKAGUHIT na yata sa palad ni SPO4 Antonio Espadero ang pakikipagsagupa sa mga kilabot na holdaper mula nang siya ay maging pulis. Hindi matawaran ang naging karanasan ni Espadero sa pakikipagbarilan sa mga kilabot na holdaper.
At tila yata naka-eskedyul sa kanyang landas na maaktuhan ang kaganapan kaya sa di inaasahan pagkakataon ay nasasalang sa bingit na kamatayan ang kanyang buhay. Halos butas-butas na rin ng bala ang kanyang katawan at maging ang bunganga ay di na halos maingiti hanggang tainga dahil sa pagtagos ng bala mula sa mga holdaper na kanyang nakasagupa sa kahabaan ng Quezon Boulevard, Quiapo, Manila.
Nagsimula ang pakikipagsagupa ni Espadero noong Hulyo 21, 1994 nang minsan kumalam ang kanyang sikmura matapos ang halos buong magdamag sa pag-follow-up ng isang kaso at naisipang dumaan sa isang tanyag na Kowloon House sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City. Matapos kumain ng masarap na siopao ay nagpabalot pa ito upang maipasalubong sa kanyang pamilya.
Ngunit tila masasabing buwenas talaga si Espadero dahil habang nag-aabang ng jeepney na masasakyan ay napansin niyang natataranta ang cashier ng Kowloon kung kaya’t minabuti niyang lapitan. At nang makalapit ay nakita niyang nakatutok sa casher ang baril ng isang holdaper kung kaya’t sinigawan niya, “Ibaba mo ang baril. Pulis ito!” Sa halip na sumuko, bigla siyang nilingon at pinaputukan. Tinamaan siya sa dibdib.
Bumaliktad sa lakas ng tama ng bala si Espadero sa kalsada, subalit di nawalan ng lakas ng loob si Espadero at buo ang loob na binunot niya ang kanyang kalibre .45. Sapol ang holdaper na ikinamatay nito.
Habang papatayo si Espadero ay nagsigawan naman ang ilang waiter at kostumer ng Kowloon kayat kanyang hinanap ang direksyon ng sigawan at doon niya nakitang may dalawang kasamahan pa ang napatay. Pinagbabaril siya ng mga ito. At dahil sa nasa kalsada siya at walang makublihan ay tinamo niya ang may 11 tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Subalit talaga yatang may sa pusa si Espadero dahil hindi siya napuruhan at nakaganti pa ng putok hanggang sa tumakas ang dalawa sakay ng gate-away vehicle. Matapos na matiyak na wala na ang mga salarin ay naglakad na lamang si Espadero patungo sa Polymedic Clinic na halos 20 metro lamang ang layo. Biruin n’yo mga suki tadtad na ng tama ng bala si Espadero subalit nagawa pa niyang dalhin ang sarili sa ospital. (Itutuloy)