MAGPAPAPUTOK nang malaking anomalya si Sen. Ping Lacson laban kay First Gentleman Mike Arroyo na kung tawagin niya ay mas malaki pa sa Jose Pidal. Sa ngayon, panay meeting ng mga PR consultants ni Lacson para mabigyan ng magandang media coverage ang nakaambang privilege speech niya. Maging si Lacson ay hindi muna nagbigay ng hint kung ano ang ala-Jose Pidal expose niya. Subalit hinihikayat ko si Lacson na dapat may sapat na ebidensiya na siya para hindi masayang ang oras ng sambayanan na sumusubaybay sa mga pakulo niya.
Alam na naman ng lahat kung ano ang kinalabasan ng mga expose noon ni Lacson tulad ng Jose Pidal, Senate hearing sa jueteng at ang ZTE scam kung saan si Jun Lozada ang bida. Kapag walang sapat na ebidensiya kasi itong si Lacson, baka imbes na masigabong pagsabog ng bomba eh putok sa kilikili ang kinalabasan ng ala-Jose Pidal expose niya. Kung sabagay, ano pa ba ang bago diyan? Kanya-kanyang pakulo lang ‘yan, di ba mga suki?
Kung talagang me sapat na ebidensiya siya, hindi na dapat magpatumpik-tumpik si Lacson para ibulgar ang bagong Jose Pidal expose niya. Hindi dapat panay banta lang. Ibinoto kasi ng sambayanan si Lacson para pangalagaan ang kinabukasan nila at ang Jose Pidal expose ay nararapat lang na idakdak niya sa Senado. Subalit dapat me ebidensiya para hindi ito matulad sa mga unang expose niya na panay blanko o dud ang bala. Get’s n’yo mga suki?
Nagbanta si Lacson ng ala-Jose Pidal expose matapos malaman na ipinasailalim siya sa lifestyle check ng Arroyo administration nga. Kung wala namang itinatago o malinis talaga itong si Lacson, bakit nainis siya?
Ang itinuturo ni Lacson na nasa likod ng panggigipit sa kanya ay si ISAFP chief Brig. Gen. Romeo Prestoza. Hinikayat daw ni Prestoza si dating police Col. Cesar Mancao na bumalik na sa Pilipinas para tumestigo laban kay Lacson sa kaso ni slain PR practitioner Bubby Dacer at driver niya. Ito kasing si Mancao, kasama si Col. Glen Dumlao ay kasama sa mga kinasuhan sa Dacer case. Maging ang mga anak ni Dacer ay tumestigo na sa korte at sinabi nila na may kinalaman si Lacson sa pagkamatay ng ama nila, na mariin namang itinanggi ng senador. Ano ba ‘yan?
Ang usap-usapan ngayon, sina Mancao at ang bagong ally ni Lacson na si Blanquita Pelaez ang magiging witness ng senador sa ala-Jose Pidal expose niya. Si Pelaez mga suki ay kinasuhan si Lacson noon dahil sa hindi pagbayad ng milyong halaga ng posas. Si Lacson ay PNP chief pa noon. Sa ngayon, lovey-dovey na sina Lacson at Pelaez at ang ala-Jose Pidal ang binubuo nila, kasama si Mancao. Maliwanag mga suki na sina Man-cao at Pelaez na nahaharap ng mga kaso sa korte ay mga “polluted source” na. At ang problema ni Lacson ay kung paniniwalaan ng ordinaryong Pilipino sina Mancao at Pelaez. Abangan!