NAG-IISIP ang mga Katolikong Pilipino. Batid nila, walang siyentipikong batayan ang linya ng mga obispo na ang contraceptives — Pills, condom, IUD, vasectomy, ligation — ay pampalaglag. Paano nga naman papatay ng fetus ang goma at tali sa daanan ng egg o sperm ng tao? Paano kikitil ng fetus kung wala naman nabuong fetus? Mayorya ng Pilipino ay Katoliko. Dalawang dekada na, 95 percent ang naniniwala sa family planning, at 90 percent ang umaasang tutulungan sila ng gobyerno para i-espasyo ang pagbubuntis.
Alam ng mga nakatatandang Katoliko ang kakitiran ng pananaw ng mga obispo. Hindi lang sina Copernicus, Galileo, Kepler, Darwin, Freud, Einstein, Friedmann at Hubble ang kinastigo ng mga sinauna. Nu’ng dekada ’60, tinuring ng mga prayle pati sa Pilipinas ang rock n’roll na “likha ni Satanas”. Pero hindi naglaon, nauso ang Jazz Mass at nakaiindak na Gospel Music. Kumbaga, nagigising sa katotohanan ang mga obispo. Umaasa ang mga Katoliko na magbabago ang mga obispo — at Simbahan.
Sa totoo, hindi doktrina ang pagsikil sa contraceptives. Opinyon lang ‘yon ng iilan. Nu’ng 1960 bumuo si Pope John XXIII ng Papal Commission on Birth Control para pag-aralan ang umiinit na isyu. Kasapi nito ang mga matatalinong pari, madre at theologians. Bumoto sila, 69-10, na tama ang family planning sa mag-asawang nais na magmagulang nang responsable sa malusog at matiwasay na pamilya.
Nagkataong namatay si John XXII at humalili si Paul VI. Kinatigan ng bagong Papa ang minorya. Umakda siya ng encyclical, Humanae Vitae, na nagturing na mali ang artificial family planning.
Kumontra ang mga obispo sa Amerika at Europa. Nanindigan ang Canadian bishops na huwag laiting nagkakasala ang mga nagpa-family planning. Naglabas ng kalatas si Karl Rahner at iba pang pangunahing theologians na sa konsensiya na lang ng indibidwal ang pag-contraceptive o pagpanig kay Paul VI. Hindi matanggap sa mahihirap na bansa ang encyclical. Nahati ang Simbahan. Nagkataon pumanig ang mga obispong Pilipino sa Humanae Vitae. Pero patuloy ang debate hanggang ngayon.