Kahit kailan
ANG kaso ay tungkol sa dalawang palapag na town-house — unit no. 8 na nakatayo sa 54 metro kuwadradong lupa na sakop ng titulo bilang (TCT) 195187 at pag-aari ng mag-asawang Gana. Ang kanilang negosyo ay paggawa at pagbebenta ng mga bahay. Nagkaroon ng kaso dahil sa tatlong transaksiyong kinasangkutan ng unit no. 8.
Ang una ay naganap noong Agosto 6, 1988 nang ibenta ng mag-asawang Gana ang unit sa mag-asawang Manas sa halagang P850,000. Ang sumunod ay noong Disyembre 1988 nang ibentang muli ng mag-asawang Gana ang townhouse sa mag-asawang Vega kapalit ng townhouse no. 12 na dating ibinenta sa kanila upang makabayad sa mga materyales na kinuha ng mag-asawang Gana. Ang pangatlo ay noong Mayo 10, 1999 nang mangutang ang mag-asawang Gana at bilang prenda ay isinangla ang townhouse sa mag-asawang De Gala. Nang hindi makabayad, inilit ng mag-asawang De Gala ang townhouse at nakuha noong Oktubre 12, 1990.
Dahil sa nangyari, noong Nobyembre 13, 1990, nagsampa ng kaso ang mag-asawang Manas laban sa mag-asawang Gana, Vega at De Gala upang mabalewala ang paglilipat ng townhouse unit sa mag-asawang Vega at ang pagsasanla nito sa mga De Gala.
Noong Disyembre 6, 1990, ang mag-asawang Vega naman ang nagkaso sa mag-asawang Gana at De Gala upang mapawalang-bisa ang kontrata ng pagsasangla.
Matapos mapagsama ang dalawang kaso sa iisang korte (RTC), kinuwestiyon ng mag-asawang Vega ang hurisdik-syon ng RTC. Ayon sa kanila, ang HLURB (Housing Land Use and Regulatory Board) ang may kapangyarihan sa kaso.
Hindi ito pinansin ng korte at itinuloy ang paglilitis ng kaso. Nagdesisyon ito pabor sa mag-asawang De Gala at idineklara sila bilang tunay na may-ari ng townhouse. Nang mag-apela ang mag-asawang Manas at Vega sa CA (Court of Appeals) isinantabi ng CA ang desisyon ng korte at pinaboran ang mag-asawang Manas. Ayon sa CA, hindi matatalo ng sinasabing pagkakasangla ang karapatan ng mag-asawang Manas. Sa pagitan naman ng mag-asawang Vega at Manas, mas may kara patan ang huli. Tungkol naman sa kung sino ang dapat talagang duminig sa kaso, ayon sa CA, hindi na maaaring makialam ang mag-asawang Vega dahil nagsampa na sila ng kaso sa korte at kasali sila sa naganap na paglilitis. Tama ba ang CA?
Sa panig naman ng mag-asawang Vega, walang nagbabawal sa kanila sa pagkuwestiyon sa kapangyarihan ng korte. Kahit kailan ay maaari itong gamitin bilang isyu ng kaso. Hindi sapat na basehan ang ginawa nilang pagsasampa ng kaso sa korte. Maituturing na simpleng pagkakamali o maling akala lang ang kanilang nagawa. Hindi sila dapat sisihin dahil tulad ng iba, nagkamali sila ng paniniwala na sa tamang korte napunta ang kaso.
Sa ating batas, ang isyu lamang ay kung may kapangyarihan ang mababang korte o wala. Kahit pa nilitis na ang kaso ngunit napatunayang wala itong kapangyarihan ay hindi nito mapipigilang mag-apela ang mga taong sangkot. Ito ay hindi sakop ng tinatawag sa batas na “principle of estoppel”. Hindi ang tao kundi ang batas ang nagsasabi na maaari pa silang mag-apela. Nararapat lamang na isantabi ang dalawang kaso sa korte (RTC). (Vargas vs. Garcia et. Al. G.R. 137869; De Guzman vs. Caminas, et. Al. G.R. 137940,
- Latest
- Trending