EDITORYAL – Problema sa ilegal na droga malala na
KUNG inaakala ng gobyerno na maliit na problema lamang ang ukol sa paglaganap ng methampetamine hydrochloride o shabu, nagkakamali sila. Mabigat na problema ang patuloy na pagkalat ng shabu sa bansa sapagkat maraming kabataan ang sinisira. Sa kasalukuyan, pabata nang pabata ang mga nalululong sa paggamit ng shabu. May mga estudyante sa high school na gumagamit na ng shabu.
Kahit ilang ulit pang sabihin ng Philippine National Police (PNP) na malaking porsiyento ng mga shabu laboratories ang kanilang sinalakay, hindi pa rin ito katibayan para masabing buwag na ang mga sindikato. Ga-tinga lamang ang nabawas sa kanila.
Kahit na nga maraming shabu lab ang sinalakay at nahuli ang mga Chinese na nagluluto ng shabu kataka-taka pa rin ang pagdagsa ng shabu sa maraming lugar. Kahit na nga ang mga liblib na lugar sa bansa na wala pang kalsada at kuryente ay kataka-takang mayroon nang shabu. Hindi kataka-taka sapagkat ngayon ay masyadong matapang na ang mga sindikato at idinadaan na sa maraming port ng bansa ang shabu. Kamakailan, sangkatutak na shabu ang nasabat ng Presidential Anti-Smuggling Group sa Subic Bay Free Port. Galing Hong Kong umano ang shabu. Bilyong piso ang halaga ng shabu. Ang nakapagtataka ay hindi na malaman kung nasaan na ang may-ari ng kargamentong iyon. Nakatakas na o pinatakas?
Hindi maikakaila na malala na ang problema ng illegal drugs sa Pilipinas. Kung hindi masasawata ang sindikato sa pagpupuslit sa bansa ng shabu, marami pang sisiraing buhay.
Ang pagkakahirang kay dating senador Vicente Sotto bilang chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB) noong nakaraang linggo ay magandang simula para masupil ang mga nagpapakalat ng illegal drugs. Ito ang pagkakataon para maipakita ni Sotto ang lubusang paglaban sa illegal na droga. Si Sotto ang awtor ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act. Ang batas na ito ang naging daan para maitatag ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Sotto walang lugar ang pulitika sa pakikipaglaban niya sa illegal drugs.
- Latest
- Trending