EDITORYAL – Alisin ang VAT sa oil products
NAG-ROLL BACK ng P1 sa presyo ng gasolina ang mga kompanya ng langis pero ito ay bahagya nang nakagaan sa pasanin ng mga motorista. Wala ring epekto sapagkat katiting lamang ang nabawas sa mataas na presyo ng gasolina. Sa aming paniwala, pampalubag-loob lamang ito sapagkat nakaamba pa ang mga pagtataas na kanilang gagawin sa mga susunod na mga araw. Kamakailan, sinabi ng oil companies na P10 pa ang dapat nilang itaas para mabawi ang kanilang malaking pagkalugi.
Ang pag-roll back sa presyo ng gasolina ay nakasorpresa sa mga motorista. Bumaba raw ang presyo ng langis sa world market kaya nag-roll back ng presyo. Ang karugtong ng pagkasorpresa ay ang pagbatikos naman sa oil companies na para bang nanloloko na lamang sila sa nangyayaring pagtaas at pagbaba ng kanilang produkto. Sunud-sunod ang ginawa nilang pagtaas ng gasolina at diesel noong mga nakaraang linggo at biglang-bigla ay nagbaba ng P1. Nanloloko nga yata sapagkat kung sinasabi nilang nalulugi sila at dapat pang magtaas ng hanggang P10 bakit pa sila nag-roll back. Sampung piso pa ang kailangang itaas at ibig sabihin, siyam na pagtataas pa ang kanilang gagawin kung papiso-piso ang gagawing pagtataas. Lokohan na nga yata eto!
At wala namang magawa ang Department of Energy sa ganitong sistema ng mga kompanya ng langis. At tila ang DoE pa ang nagiging tagapagsalita ng mga kompanya ng langis. Kamakalawa, sinabi ni Energy Sec. Angelo Reyes na bakit hindi na lamang isang bagsakan ang gawing pagtataas ng mga kompanya ng langis. Maryosep! Sa halip na mag-isip ng paraan si Reyes para hindi mabigatan ang mga motorista sa nangyayaring pagtataas, isang bagsakan na lang daw. Ibig sabihin kung P10 ang kailangan pang itaas, ibuhos na ang P10 increase sa litro ng gasolina o diesel. E di lalo nang umaray ang kawawang motorista. Alam kaya ni Reyes ang kanyang ginagawa?
Ayaw naming alisin ng Malacañang ang value added tax (VAT) sa oil products. Masasaktan daw ang mga nasa middle class at pati mayayaman kapag tinanggal ang VAT sa langis. Hindi raw ang mga mahihirap ang masasaktan sapagkat hindi naman bumibili ng mga VAT-able commodities ang mga ito. Tutol din ang Customs sa pag-aalis ng VAT sa langis. Tutol din ang ilang mambabatas sa pagtanggal ng VAT sa langis. Babaha na lamang daw ang subsidies para sa mahihirap pero hindi ii-scrap ang VAT.
Kung ganoon, asahan pa ang paghihirap ng mga mahihirap.
- Latest
- Trending