Pati Diyos sinisi!
GRABE naman ang Sulpicio. Nung una, sinisi ang Diyos sa naganap na paglubog ng barkong M/V Princess of the Stars na ikinasawi ng daan-daang tao. “Act of God” daw ang nangyari.
Kaya sabi ng isang kardinal “huwag isisi sa Diyos ang bunga ng katangahan.” Oo nga naman. Common sense lang ang paira lin. Alam ng buong bansa na may paparating na malakas na bagyo. Kung responsable ang kompanya o maging ang kapitan (sumalangit nawa), hindi na dapat itinuloy ang biyahe.
Ngayon naman, idinemanda ng P4.4 million damage suit ng Sulpicio ang weather bureau (PAGASA) dahil daw sa kawalang kakayahan nitong mag-predict ng kalagayan ng panahon.
Marahil dapat tingnan ng Sulpicio ang track record nito. Ilang barko na ba nito ang lumubog? Bukod diyan, sa kasagsagan ng bagyong Frank, bakit ang M/V Princess of the Stars lang ang nadisgrasya kung hindi nakapagbigay ng tamang warning ang Pagasa?
At sa isyu nang pagkakaroon ng 10-toneladang lason sa barko, ang sinisisi lang ng Sulpicio ay ang may-ari ng kargamento, ang Del Monte Corporation. Kesyo hindi raw idineklarang mapanganib na lason ang kargamento.
Sa palagay ko, hindi lang ang shipper ang dapat sisihin kundi ang tumatanggap ng kargamento. May responsibilidad din itong siguruhin kung ano ang nilalaman ng mga epektos na inilululan sa barko. Eh kung bomba pala, sino ang sisisihin nila?
Ayaw kong buntunan ng sisi ang sino man sa usaping ito. Pero dapat marahil, itigil na ng Sulpicio ang pagbubunton ng sisi kahit kanino. Bagkus, tingnan ang sariling sistema at mga regulasyon para repormahin ang mga ito at hindi na mangyari ang ganyang malagim na insidente.
- Latest
- Trending