EDITORYAL – Aalingasaw pa ang basura sa Metro Manila
BINUKSAN na ang Rodriguez sanitary landfill noong Biyernes ng madaling araw. Pero ang pagbubukas ay hindi nangangahulugang ligtas na sa pagbaho sa basura ang Metro Manila. Paano’y 15 araw o dalawang linggo lang bubuksan ang landfill at pagkatapos ay isasara na uli. At tiyak na problemado na naman ang Metro Manila Development Authority (MMDA) kung saan dadalhin ang basura ng Metro Manila.
Kung ang paglalagay ng mga foot bridge at mga U-Turn slots ay nakayang gawin at ang pagwasak sa mga establisimentong kinakain ang portion ng kalsada ay napigilan ganundin ang pagwalis sa mga illegal vendors ay naresolba, bakit hindi ang problema sa basura?
Ang nakapagtataka pa, matagal nang isyu ang problemang ito sa pagtatapunan ng basura at hanggang ngayon ay wala silang magawang solusyon dito. At ngayon nga ay ito ang panibagong kahaharapin ng MMDA pagkalipas ng dalawang linggo. Kapag hindi pa nakagawa ng paraan ang MMDA sa pagtatapunan ng basura ay tiyak na ngang aalingasaw ang Metro Manila.
Ang Makati City marahil ang maunang aalingasaw kagaya nang nangyari noong nakaraang linggo. At tiyak na mapupundi na naman si Makati City Mayor Jejomar Binay. Baka ulitin na naman niya ang ginawa na ipi naparada ang mga truck ng basura sa vicinity ng tanggapan ng MMDA sa Guadalupe, Makati. Uminit kasi ang ulo ni Binay noon makaraang pabalikin sa kanyang lungsod mula Rodriguez landfill ang mga garbage trucks.
Tungkulin ng MMDA na humanap nang mapagtatapunan ng basura ng Metro Manila cities. Malaking pera ang ibinibigay ng mga siyudad sa MMDA para lamang masiguro na maitatapon ang kanilang basura. Sabi ni Binay na P224 million ang natanggap ng MMDA mula sa Makati government noong nakaraang taon. Ang hindi raw niya maintindihan ay kung bakit nagiging problema nila ang pagtatapunan ng basura.
Mayroon bang ginagawang hakbang ang MMDA para may permanenteng pagtapunan ng basura ang bawat lungsod at hindi yung nagsisiksikan sa iisang landfill? Kung malaki naman pala ang share ng mga lungsod sa perang pambayad para pagtatapunan ng basura ay bakit kailangang mamroblema ang bayan o lungsod gaya ng Makati. Unahin sana ang basura kaysa pulitika…
- Latest
- Trending