ILANG taon na rin ang nakararaan, nabulgar sa media ang mga ginagamit na textbooks sa mga pampublikong paaralan na punumpuno ng kamalian sa grammar at maging sa nilalaman. Ang nag-expose nito ay isang academic supervisor ng Marian School sa Quezon City na si Antonio Calipjo-Go. Maraming humanga sa kanya at sumikat ang kanyang pangalan.
Pero may sumambulat na balitang sinakyan ng ilang kolumnista na tinatakot umano ni Mr. Calipjo-Go ang mga textbook publishers, Sisilipin daw niya ang mali sa kanilang mga textbooks at ibubunyag sa media kung hindi sila magbibigay ng pera. Sa takot daw ng mga publishers ay napipilitan silang ayusin siya. Ipinagmamalaki daw niya na hawak niya ang media. Sana’y magbigay ng kanyang panig si Mr. Calipjo-Go sa usapin bago mawasak ang paghanga ng marami sa kanya. Maganda kasi ang kanyang krusada. Umaksyon ang Department of Education at inatras ang mga palpak na textbooks na kanyang tinukoy.
Kinukuwestyon kasi ngayon ng mga tumutuligsa kay Calipjo-Go na siya’y nakatira sa isang marangyang tahanan malapit sa Marian School. Magagara umano ang mga nakaparadang sasakyan sa compound niya. Tanong pa ng marami, saan galing ang P1 milyong ginastos niya sa pagpapalabas ng full page ads sa mga pahayagan na aniya’y “sariling gastos” niya? Kung ikukonsidera kasi ang kalagayan ni Calipjo-Go, hindi raw niya maa-afford ang ganyang gastusin at karangyaan sa kanyang buhay.
Mabigat maakusahang “extortionist” ng mga book publishers. Pero anybody accused must be given the benefit of the doubt. “A day in court” wika nga. At kung mapatunayang nagkasala, dapat din namang managot ang kahit sinong nagkakamali. Pero kung gawa-gawa lang ang alegasyon laban sa kanya, ituloy ang mabuting layunin!
Sa totoo lang, kailangan natin ang mga crusading people na maglalantad ng ano mang ka malian sa lipunan. Ngunit kung nagagamit ito sa hindi maganda kagaya ng extortion, aba’t ibang usapan iyan kaya dapat magpalabas ng paglili- naw tungkol dito si Calipjo-Go.
Kung sadyang siya’y mayaman o kaya’y may sumusuporta sa kanyang magandang krusada, kailangan niyang magpali-wanag para hindi mawala ang paghanga ng taum bayan sa kanya.