“VILLAIN” ang kabaliktaran ng “hero” sa English. Sa Filipino, bayani ang direct translation ng “hero”, ngunit walang ibang direct translation ang “villain”, maliban sa “kontrabida”. Kung ganoon din lang, parang direct translation na rin ng “hero” ang salitang “bida”.
Kung itinuturing nating mga bayani ang mga OFW, at sila na nga ang mga “bida” natin, sino naman kaya ang mga kontrabida? Sa wari ko, kaya tinatawag na mga bagong bayani ang mga OFW, ay dahil sila ang nagligtas sa ating ekonomiya, na maaring sabihing namamatay na o di kaya patay na kung wala sila.
Kung ganito ang usapan, maaari kaya nating sabihin na kung sino man ang pumapatay sa ating ekonomiya o di kaya naging sanhi ng kamatayan nito ay mga kontrabida na nga? Sino kaya ang mga kontrabida na ito?
Sa tingin ko, ang dapat mauna sa listahan ng mga kontrabida ay ang mga attaché, consul at ambassador na halos walang pagmamahal sa mga OFW at dahil diyan, parang pigil na pigil sa pagbibigay ng service sa OFW.
Ang pangalawa sa listahan ng mga kontrabida ay ang mga opisyal ng gobyerno na nagnanakaw sa kaban ng bayan, dahil nga sila ay kasama sa hanay ng mga corrupt. Kung ano man ang kinita ng mga OFW sa abroad na katas ng kanilang paghihirap, sinasamsam naman ito ng mga corrupt.
Kung sa tingin ng gobyerno ay mga bayani nga ang mga OFW, bakit hindi nila itinuturing na mga bida ang mga ito? Bakit hanggang ngayon, napakarami pang mga kawani ng foreign service ang nagmimistulang mga kontrabida sa mga OFW?
Madaling sabihin ng gobyerno na mga bayani nga ang mga OFW, pero mas mabuti sana kung nakikita sa gawa ang kanilang pananalita. Halimbawa, bakit hindi magdagdag ng mga staff ang gobyerno sa mga consulate na may maraming OFW na may kaso?