EDITORYAL – Sino ang susunod?
PINALAYA na kahapon ng Abu Sayyaf ang ABS-CBN anchor na si Ces Drilon, cameraman Jimmy Encarnacion at professor Octavio Dinampo. Alas onse ng gabi noong Martes nang palayain sa Sulu ang mga bihag. Ayon sa report ng Philippine National Police (PNP) walang ibinigay na ransom money sa Abu Sayyaf pero ayon sa ibang sources, nagkabayaran umano ng ransom. Nagdemand ang Sayyaf ng P15-milyon at kung hindi ibibigay ang hinihingi, pupugutan ang mga bihag. Itinakda noong Martes, alas-dose ng tanghali ang deadline para ibigay ang ransom money. Makaraan ang 11-oras na deadline, pinalaya na ang mga bihag.
Malaki ang aming paniwala na nagkabayaran ng ransom. Nagbigay sila ng deadline at makaraan ang ilang oras ay pinalaya na ang mga bihag. Ang teroristang Sayyaf ay sanay na sanay na sa gani-tong mga gawain. Hindi nila palalayain ang kanilang kinidnap nang walang kapalit. Nangyari na ito nang pugutan nila ng ulo ang Amerikanong si Guillermo Sobero noong 2000. Wala silang patawad at kung ano ang sinabi ay iyon ang gagawin. Gawain ng mga barbaro o mga taong walang kinikilalang Diyos. Maski babae ay hindi nila pinatatawad. Dalawang babaing guro na kanilang binihag noon ang walang awang tinapyasan nila ng suso. Ang pamumugot ng ulo ay karaniwan na lamang sa kanila.
Ang tanong ngayong napalaya na si Ces Drilon at mga kasama ay sino naman ang susunod na kikidnapin at ipatutubos? Maaaring mga miyembro muli ng media ang kanilang targetin. Kung totoong nagbayad ng ransom kaya napalaya sina Ces, tiyak na magkakaroon muli ng lakas ng loob ang Abu Sayyaf para dumagit muli ng mga kagawad ng media.
Ilang araw makaraang mabalita ang pagkakidnap kay Ces at mga kasama, sinabi ng PNP na hindi nakipagkoordinasyon ang mga ito sa kanila. Wala man lang daw advisory ang grupo para nakagawa man lang sila ng paraan. Hanggang sa nangyari na nga ang pangingidnap sa Maimbung, Sulu. Siyam na araw na pinigil si Ces at mga kasama.
May katwirang magsalita nang matalas ang PNP sa nangyaring pagkidnap. Dapat nga na magkaroon ng koordinasyon sa kanila ang media lalo pa nga’t isang delikadong lugar ang kanilang nakatakdang pasukin. Hindi dapat ipagwalambahala ang paalala ng mga alagad ng batas.
Sino ang susunod? Walang makapagsasabi. Mas mainam kung maghahanda ang PNP at military para pasukin na ang lungga ng Sayyaf para hindi na makapangkidnap.
- Latest
- Trending