EDITORYAL – Hindi sana ningas-kugon sa kampanyang pagtitipid
NAKAPANGANGAMBA ang balitang aabot sa P80 ang isang litro ng gasoline. Kung ngayong nasa P56 pa lamang ang isang litro ng gasoline ay hirap na hirap na ang mamamayan, paano pa nga kung tumaas pa. Tiyak na magtataas pa ang pamasahe, presyo ng bigas, karne, mantika, isda, gulay at marami pang iba. Saan pupulutin ang mga Pinoy sa ganito kahigpit na sitwasyon?
Ang tanging alam na paraan ng gobyerno ay ang pagtitipid sa paggamit ng gasoline at saka kuryente. Noong nakaraang linggo, sinabi ng Malacañang na ipatutupad na ang pagtitipid sa kuryente, at lilimitahan na ang paggamit ng mga sasakyang malakas lumaklak ng gasoline. Inatasan ang mga tanggapan ng pamahalaan na ipatupad ang pagtitipid sa enerhiya at ganundin sa paggamit ng mga sasakyang malakas sa gasolina. Maski ang mga ilaw na malakas kumunsumo ng kuryente ay nararapat palitan para maliit lamang ang magamit na enerhiya.
Ang ganitong direktba ng Malacañang ay lagi nang ipinatutupad sa tuwing magkakaroon ng krisis o pagmamahal sa presyo ng petroleum products. Kailangang maipatupad ang pagtitipid. Sabi pa ng Malacañang ang mga taong gobyerno ang nararapat na maging halim-bawa ng mamamayan para maisakatuparan ang kampanya sa pagtitipid. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagtitipid, gagayahin ito ng mamamayan at magkaka- roon ng mabuting resulta.
Subalit ang sinasabing pagtitipid na ikinakampanya ng Malacañang ay maaaring hindi na naman lubusang maisakatuparan sapagkat pakitang-tao lamang ang ipina kikitang pagtitipid. Ang nangyayari, tipid ngayon pero bukas ay hindi na.
Halimbawa rito ay ang patuloy na pagkunsumo ng kuryente ng mga nakabukas na ilaw sa mga poste kahit sa katirikan ng araw. Gaano karaming kuryente ang naaaksaya sa ganyang kapabayaan?
Marami pa rin naman ang mga sasakyang gobyerno na yumayaot kahit lampas na sa oras ng trabaho. Ang mga sasakyang ginagamit ay malakas sa gasolina. Sinabi pa naman ng Malacañang na kung maaari ay mag-commute na lamang ang mga Cabinet members para ma ipakita na sinsero ang gobyerno sa kampanya sa pagtitipid ng gasolina at krudo. Maaari naman daw sumakay ng LRT ang mga Cabinet officials at igarahe na ang kanilang mamahaling SUV.
Maganda ang kampanya ng Malacañang para makatipid pero duda kami kung susundin ito ng mga Cabinet member. Hindi kami kumbinsido na ang mga taong gobyerno na nasanay sa malalamig na sasakyan ay mapapasakay sa mga sasakyang nagbubuga nang maitim na usok. Hindi sila ganoon ka-martir.
Katulad sa mga nakaraang kampanya at panawagan para magtipid sa gasolina at kuryente, duda kaming sa umpisa lamang ito mangyayari. Ningas-kugon din ang uuwian ng lahat ng ito.
- Latest
- Trending