^

PSN Opinyon

‘Mga pangarap na natabunan...’

- Tony Calvento -

FATHER’S DAY KAHAPON. Nais kong kunin ang pagka­kataong ito na batiin lahat ng mga ama ng Happy Father’s Day. Mga amang nagsakripisyo, inalay ang sarili at inisip ang kapakanan ng kanilang mga pamilya upang maitaguyod ito at maiangat ang kanilang kalagayan sa buhay.

Mga ama na nagsilbing haligi ng bawat tahanan. Mga amang karapat-dapat na tawagin na uliran. Ikaw kaibigan nabi­bi­lang ka ba dito? Anong klaseng ama ka ba? Kasama ka ba? Kung hindi may oras pa magbago.

MARAMI AKONG natanggap na pagbati ng “Happy Father’s Day.” Kaugnay dito isang liham ang aking ti­nang­gap mula sa isang ama na nagdadalamhati. Isang amang kama­matay ng anak.

Madalas kong sabihin, “NAPAKASAKIT MAGLIBING NG SARILING ANAK!” Alam ko ang pakiramdam dahil dalawang anak kong lalake ang nasa Panginoon na.

NAGPUNTA SA aming tanggapan si Carlito Perez upang idulog ang nangyari sa kanyang panganay na anak. Kakaiba ang nais nitong taong ito. Ayaw niyang magdemanda. Ayaw niyang humingi ng danyos sa aksidenteng kinasangkutan ng kanyang anak. Ang tanging nais niya ay maihinga ang nangyari sa kanilang panganay na anak na si Donnie na napipinto na ring maging isang ama dahil ang girlfriend nito ay limang buwan ng nagdadalang tao.

“Nagpunta po ako sa inyo upang iparating sa mga kina­uukulan at sa mga masugid na tagasubaybay ninyo sa inyong kolum sa dyaryo at araw-araw na programa sa radio. Ang hiling ko ay ‘HAYAAN N’YO NA LAMANG NA ANG AKING ANAK ANG MAGING HULING BIKTIMA,” ayon kay Carlito/.

NAIS KONG ILATHALA NG BUO ang kanyang liham para mabasa ninyo (sana kahapon subalit Linggo, wala akong kolum) ngayong araw na ito.

Dear Mr. Calvento:

Kami ng asawa kong si Josefina o Josie ay parating naka­subaybay sa inyong mga kolum dito sa dyaryo at sa inyong pro­grama sa radio “Hustisya para sa Lahat” tuwing alas tres ng hapon.

Hindi namin inakala na darating ang panahon na kami na ang lalapit sa inyo tungkol sa nangyari sa isang miembro ng aming pamilya.         

Ang layon ko ay sana wala ng magulang ang matulad sa nangyari sa aming panganay na anak na si Donnie Perez. Ito ay para sa mga kinauukulan.

Si Donnie ay kaisa-isang anak na lalaki at panganay sa limang magkakapatid. First year student siya sa kursong HRM sa St. Chamuel Institute sa Pasig City. Siya ay magla­bing siyam na taong gulang noong May 7, 2008.

Siya ay nakatakdang ikasal December ngayong taon at ang kanyang katipan ay limang buwan nang buntis.

Noong May 23,2008, araw nang Biyernes. mga ganap na 11:30 ng umaga, habang si Donnie at dalawa pang ka­sama ay naghuhukay ng buhangin sa kasagsagan ng ulan sa isang quary site sa tabing ilog ng Barangay Ibabang Atingay, Mag­dalena, Laguna siya ay natabunan ng lupa at siya ay namatay. Masakit man ang nangyari ngunit wala na akong magawa. 

Marami nang pangyayaring ganito sa quary ng Mag­dalena, Laguna.

Ang pagmimina at pagbebenta ng buhangin at graba ay nakagawian na ng walang  paghihigpit at pagbabawal. Mas higit sa katarungan ang aming hinihiling. NAIS KONG MAG­ KAROON NG KABULUHAN AT SAYSAY ANG KAMATAYAN NG AKING ANAK.

Nawa’y ang pagka­sawi ni Donnie ay mag­sil­bing kamulatan sa mga mamamayan at pamunuang bayan ng Magdalena pati na rin sa pamahalaang panlalawigan ng Laguna.

“Bantayan at ipagtanggol po natin ang kapaligiran sapagkat ang walang harbas na pagwasak ng kalikasan ay nagiging sanhi ng kamatayan. Hayaan nyo na lang na ang aking anak ang maging huling biktima!”

Lubos na gumagalang,

Carlito Perez

Pasig City

NAPAG-ALAMAN ko na inabutan ng malakas na ulan sina Donnie habang naghuhukay sila. Mataas na ang kanilang nahukay ng biglang gumuho ang lupa sa kanilang hinuhukay. Nagtakbuhan umano ang dalawang kasama ni Donnie at naiwanan siya. Natabunan si Donnie ng lupa.

Humingi ng tulong ang dalawang kasama sa mga naghu­hukay malapit sa pinangyarihan ng aksidente.  Kinse minutos bago nahukay si Donnie mula sa pagkatabon sa kanya. Isina­kay ito sa patrol vehicle ng barangay at dinala sa Municipal Health Office. Patay na ito ng makarating sa ospital.

“Kasamang natabunan ni Donnie ang lahat ng kanyang mga pangarap sa buhay. Ang panaginip niyang makapag-ipon ng pera upang magpakasal sila ni Russel pagkatapos nitong magkapanganak. Wala na ang lahat ng ito. Hindi  niya makikita man lang ang kanyang anak,” mahinahong sinabi ni Carlito.

Hindi man maibabalik ang buhay ng kanyang anak tama si Carlito na meron tayong magagawa. Hintuin ang illegal na quarry na yan sa Laguna

SUBALIT TANUNGIN MUNA NATIN kung ano ang gina­gawa ng Governor ng Laguna na si Ningning Lazaro?  Ba­wal mag-quary sa Laguna. Panahon ni Joey Lina ipinagbawal ang pag-quary sa anumang bayan sa Laguna. Bakit Gov. Lazaro hindi mo ipatulad muli yan? Ilang tao pa ba ang kailangan matabunan bago ka umaksyon? Ang ganitong mga insidente ang tatabon sa pagkakataong mong mahalal muli bilang gobernador ng Laguna sa 2010.

Sa Mayor ng Magdalena. Magkano ba mayor ang binabayad ng quary site sa kaban ng bayan ng Magdalena? Sa kaban ba ng bayan napupunta o sa bulsa ng mga opisyales ng inyong pamahalaan? Meron ka ba d’yan Mayor? Bakit hindi mo ipatigil yan!

Ang Congressman d’yan na si ER Ejercito!

Ngayon ka magpakitang silas E.R. na may malasakit ka sa iyong mga constituents. Ngayon ang oras para maging bida at hindi kontra-bida gaya ng halos lahat na papel na ginanapan mo sa pelikula.

KAYONG MGA public officials ay dapat tumugon sa pana­wagan ng isang ama, si Carlito Perez sa pagkamatay ng kan­yang anak ng matabunan ito ng buhay sa isang quary site sa Magdalena. Huwag kayong magbingi-bingihan at hayaan matabunan na lamang ang insidenteng ito na ikinamatay ng isang labing siyam na taong gulang na lalake.

PARA SA MGA BIKTIMA ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig, City.

Email address: [email protected]

ANAK

CARLITO PEREZ

DONNIE

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with