^

PSN Opinyon

Pauwiin na ang troll Ambassador ng China!

BARDAGULAN - Ronald M. LLamas - Pilipino Star Ngayon

“Easy win.” Ito ang mayabang na pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan tungkol sa kakayahan ng China na talunin ang Pilipinas sa isang militar na labanan. Kung gagamit daw sila ng puwersa, madali raw nilang matatalo ang ating bansa. Pero huwag daw tayong mag-alala. “Peace-loving” daw sila.

Talaga? Pagkatapos magbanta, magpapanggap na para sa kapayapaan? Parang siga sa kanto na malakas manindak, tapos magpapanggap na santo.

Nag-ugat ang pahayag ni Jing sa puna ni Defense ­Secretary Gilberto Teodoro na isang “regional troublemaker” ang China. Tinawag itong “nonsense” ni Jing at sinabing dapat pa raw tayong magpasalamat dahil mabait silang kapitbahay.

Tinawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na “thinly veiled threat” ang pahayag. Para naman kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tunog-banta ito. Ipapatawag daw niya si Jing upang magpaliwanag.

Pero para kay Secretary Gibo, hindi ito simpleng pagkakamali sa pananalita. Ito rin ang tindig ni Philippine Coast Guard (PCG) Rear Admiral Jay Tarriela. Hindi raw nabubura ang banta dahil nilagyan ito ng  “we love peace” sa dulo.

Nagkaisa naman sina Senators Risa Hontiveros, JV Ejercito, at Kiko Pangilinan sa pagbatikos kay Jing. Maliwanag ang panawagan nila, mula sa pagbawi sa pahayag at paghingi ng tawad, hanggang sa pagdeklara kay Jing na persona non grata, at pagpapaalis sa bansa.

Eh si Vice President Sara Duterte? Ano ang tindig? Siyempre, wala! Iba talaga ang nagagawa kapag tumanggap ng P319 million ang Cale88 ng asawa ni Sara mula sa China, ano?

Tinawag pa nga ni Sara na “troublemaker” ang sarili niyang bansa. Carbon copy ng mga pahayag ng Tsina. Ang agila ng Davao, maliwanag na parrot ng Beijing.

Buwelta ng Chinese Embassy? “Just do it” ang hamon nito sa mga mambabatas na gustong paalisin si Jing.

Ibang klase ang kabastusan at kayabangan. Sila na nga ang naghahasik ng lagim sa West Philippine Sea, sila pa ang galit.

Hindi na sapat ang nakagisnang diplomatic protests, summons, at press releases. Kailangan ng mas matapang na paninindigan.

Nakatutok ang publiko sa susunod na hakbang ni Pangulong Marcos Jr. Tatanggapin na lang ba niya ang paliwanag ni Jing at magpapanggap na ayos na ang lahat? O papauwiin na niya ang bastos na bisitang lasing sa kayabangan at kapangyarihan?

Hindi nito awtomatikong mapapahinto ang sigalot sa West Philippine Sea. Pero iapakita nitong hindi tayo yuyuko sa pambabastos at pananakot ng isang dayuhang kapangyarihan.

AMBASSADOR

CHINESE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with