Ibalik ang libreng placement fee
MARAMING Pilipino ang gustong mag-abroad, ngunit hindi nila natutupad ang kanilang mga pangarap, dahil wala silang perang pambayad sa napakamahal na placement fee. Ang iba naman ay nagkakalakas-loob na mangutang nang malaking pera para makapag-abroad lang, kaya lang nakabaon sila sa utang.
May bayad naman talaga ang placement fee. Ang tanong ko lang, sino ba dapat ang nagbabayad nito? Naaalala ko na noong araw, may mga employer na sila mismo ang nag babayad ng placement fee. Ito ang practice sa maraming country hanggang ngayon, dahil normal lang na ang employer ang nagbabayad ng placement fee.
Dahil marahil sa matinding competition, naging uso na rito sa Pilipinas na ang applicant ang nagbabayad ng placement fee, at dahil nga sa malaking pera na natitipid nila, nagustuhan na rin ng mga employer ang bagong pamamaraan, bagamat mali at napakabigat sa applicant.
Hindi ba talaga puwedeng ibalik ang dating sistema kung saan walang binabayaran ang applicant? Yan ang wish ko, na mangyari yan na walang babayaran ang applicant kahit singko, at libre na rin pati ang medical at iba pang miscellaneous expenses kuno.
Natitiyak ko na marami pa ring mga employer na matitino, at madaling makumbinse na sila na ang magbayad ng placement fee, sa halip na ang applicant ang magbayad. Sa totoo lang, nangyayari na ito sa local employment, kung saan ang local applicants ay nabibigyan ng trabaho kahit wala silang binayarang placement fee, dahil ang mga employer ang nagbayad nito.
Kung may alam kayong mga employer na willing magbayad ng placement fee, sabihin ninyo sa akin at ikakalat natin ang kanilang mga pangalan, upang mas marami pa sa ating mga kababayan ang makinabang sa kanilang kagandahang-loob.
- Latest
- Trending