TINATAYANG 18.8-milyong estudyante ang nakatakdang bumalik sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa sa Martes (June 10).
Ayon kay Education secretary Jesli Lapus umaabot sa 12.84 milyong estudyante ang naka-enroll sa public elementary at1.8 naman ang nasa pampribadong elementarya pa lamang. Sa public high school naman ay umabot sa 5.33 milyon habang sa private high school ay 1.33 milyon.
Halos dumoble ang bilang ng mga estudyante ang nag-enroll sa mga pampublikong paaralan ngayong matapos na mapilitang ilipat ng mga naghihikahos na mga magulang ang kanilang anak mula sa mga pribadong paaralan.
Punumpuno na naman ang mga silid aralan sa mga pampublikong paaralan dahil sa dami ng estudyante. Kayat kung dati-rati 60 estudyante ang laman ng isang silid marahil sa ngayon ay tinatayang aabot sa 90 hanggang isang 100 ang laman.
Ang pangunahing dahilan ng pagdagsa ng mga estudyante sa mga public school ay dahi sa patuloy na pagtaas ng tuition fees na pinaiiral ng mga private school.
Halos wala na ngang makain ang ilan nating mga kababayan ay sinasamantala pa ng ilang suwitik na paaralan ang panggigipit sa mga estudyante kayat minabuti na lamang nito na mag-aral sa publikong paaralan upang magkalaman ang kanilang utak. He,he,he! Siyempre uunahin din nila ang isusubong pagkain upang magkalaman ang kanilang kumakalam na sikmura. Get nyo mga suki?
Tanging edukasyon lamang ang magiging tulay ng mga kabataan upang makaahon sa hirap. Kaya saludo ako sa mga kabataan na nagsusumikap na makatapos ng kanilang pag-aaral. Sila ang mga bagong pag-asa ng ating bansa. Di ba mga suki?
Dahil sa kahirapang dinaranas ngayon ng sambaya- nan ay todo naman ang pagbabantay ng mga kapulisan sa mga paaralan at mga lansangan upang magbigay ng proteksiyon. Libu-libong pulis ang ipinakalat ni Philippine National Police (PNP) Director General Avelino Razon Jr., sa lahat ng sulok ng bansa upang tumugis sa mga masasamang elemento na mambibiktima hindi lamang sa mga estudyante kundi sa buong sambayanang Pinoy.
Ang proyekto ni Director Leopoldo Bataoil na “Pulis Ko Titser Ko” ay lalo pang pinalawak ni Mamang Pulis Razon upang makatulong sa kakulangan ng guro sa mga paaralan. Naging epektibo kasi itong proyekto ni Bataoil ng sumuko ang may 12 New Peoples Army (NPA) kabilang ang dalawang menor-de-edad sa Ilocandia.