EDITORYAL- Parusang bitay ibalik na!
GRABE na ang mga nangyayaring holdapan sa mga banko. Sunud-sunod na. Wala nang kinatatakutan ang mga holdaper sapagkat hindi lamang pagnanakaw ang ginagawa kundi pumapatay pa. Sinapian na yata ng demonyo ang mga holdaper at walang awang pinapatay ang mga empleado ng banko.
Ganito ang ginawa sa siyam na empleado ng Rizal Commercial and Banking Corp. (RCBC) Cabuyao, Laguna Branch kahapon ng umaga. Natuklasan ang karumal-dumal na pagpatay sa mga empleado at manager ng banko nang isang kliyente ang tumawag sa head office ng RCBC at tinanong kung bakit hindi pa nagbubukas ang Cabuyao Branch gayung pasado alas-nuwebe na ng umaga. Marami na rin umanong mga customer ng banko ang nakapila sa labas. Ayon naman sa mga customer ng banko na nakapila sa labas, nagtataka sila kung bakit pawang nakaupo sa silya ang mga empleado at hindi pa nagsisimulang magtrabaho gayong alas-nuwebe na.
Pinuntahan ng mga pulis ang banko at nang buksan, tumambad sa kanila ang mga duguang katawan ng manager, teller at messenger na nakaupo nang hiwa-hiwalay sa loob. Pawang may mga tama ng bala sa ulo ang mga biktima.
Ayon sa mga pulis, matagal nang nakapasok sa loob ang mga holdaper at hinintay isa-isa ang pagdating ng mga empleado ng banko at saka binaril. Gumamit ng 9 mm., kalibre .45 at .38 na baril ang mga holdaper. Maaari rin umanong may silencer ang mga baril kaya walang narinig ang mga customer naghihintay sa labas. Hinala naman ng pulisya na inside job ang Cabuyao heist sapagkat nawawala ang dalawang guwardiya ng banko.
Grabe na ang nangyayaring ito. Wala na ngang kinatatakutan ang mga holdaper at pati walang labang empleado ng banko ay pinapatay. Sa ganitong kagrabeng sitwasyon, makabubuting ibalik na ang parusang kamatayan para naman masindak ang mga kriminal. Wala nang ibang magagawa pa kundi ang pag-lethal injection sa mga mapapatunayang gumawa nang karumal-dumal. Wala namang maaasahan sa pulisya para mapigil ang mga krimen. Ni ang kanilang intelligence ay hindi gumagana. Ni hindi pa nga nalulutas ang mga naunang krimen ay ito na naman ang panibago.
Parusang kamatayan ang sagot sa lumalalang kriminalidad.
- Latest
- Trending