EDITORYAL – OWWAwa naman!
WALA nang pre-departure loan para sa mga overseas Pinoy workers! Ito ang binalita ni acting Labor Secretary Marianito Roque noong Linggo. Masyado raw nalugi ang Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA) kaya sinuspende na ang pagbibigay ng loan sa mga OFW. Umabot na raw sa P70 million ang lugi. Marami raw OFWs ang hindi nagbabayad at wala silang magagawa kundi itigil na ang pagbibigay ng loan. Gayunman, patuloy pa raw nilang hahabulin ang mga OFWs na nangutang sa OWWA. Si Roque, na umaakto ring OWWA chief ay nagsabing 30 percent lamang ng mga nangutang na OFWs ang nagbabayad. Paano raw sila makasu-survive sa ganoon kaliit na porsiyento ng nagbabayad?
Sa ganitong sitwasyon, walang ibang kawawa rito kundi ang mga OFW na nangutang sa OWWA na nagbayad at tumupad sa kanilang responsibilidad. Nadamay sila sa kagagawan ng mga OFW na balasubas. Sila ang kawawa sapagkat, inaasahan nilang muli silang makakautang para sa pangangailangan ng pamilya habang hindi pa sila nakapagpapadala. Karaniwang ang mga nakakautang ay ang mga papaalis ng OFW at ang halagang nauutang ay umaabot sa P40,000. Bago makautang, kailangan ay may co-maker ang OFW upang kung sakali at hindi siya makabayad, ang co-maker niya ang sisingilin ng OWWA. Pero sabi ni Roque, kahit na raw sinisingil nila ang co-maker ay ayaw ding magbayad. Katwiran pa ng mga OFW na umutang, hindi na nila babayaran ang kanilang nautang dahil pera raw naman nila iyon. Ang mga papaalis na OFW ay nagbabayad ng $25 membership fee per employment contract.
Walang ibang maaaring sisihin sa pagkalugi ng OWWA kundi sila na rin. Nagpautang sila nang nagpautang gayong wala naman palang kaseguruhan kung makakabayad ang kanilang pinautang. Dapat ay mayroon silang sistema para mapuwersang magbayad ang mga nangutang na OFW. Dapat ay naghigpit sila at siniyasat na mabuti kung may kakayahang magbayad ang bawat OFW na nag-aapplay ng pre-departure loan.
May kasalanan din ang OWWA kung bakit nalugi. At ang kawawa sa dakong huli ay ang mga tapat magbayad. Sana ay makaisip ng ibang paraan ang OWWA kung paano matutulungan ang mga tapat na OFW.
- Latest
- Trending