Congenital at conductive deafness
Dear Dr. Elicaño, paano po ba malalaman kung ang isang bata ay may deperensiya sa kanyang pandinig? Ang akin pong pamangkin na edad dalawang taon ay hindi pa nagsasalita at hindi nagre-react sa tunog o anumang ingay. May posibilidad kayang bingi siya o may depekto ang pandinig? —Marissa
Salamat sa pagsulat mo Marissa at sa pagsubaybay sa column ko. Ayon sa iyo, hindi nagre-react sa tunog o ingay ang iyong pamangkin kaya maaaring may depekto siya sa pandinig. Mahalagang ipasuri n’yo siya sa doctor para malaman.
May dalawang dahilan ng pagkabingi: Ang congenital deafness at conductive deafness.
Ang congenital deafness ay ‘yung tinatawag na sapul pa sa pagkasilang ay may depekto na sa pandinig. Hindi nagre-react sa tunog ang mga taong may ganitong karamdaman. Malalaman ang mga batang may deperensiya sa pandinig kung sa kabila na sila ay malaki na ay hindi makapagsalita. Nararapat pagsuutin ng hearing aid ang mga bata. Dapat din silang sumailalim sa training para matutong magsalita. Nagkakaroon ng congenital deafness kapag ang ina ay dinapuan ng German Measles.
Ang conductive deafness ay abnormalidad sa pinakaloob at gitna ng taynga na nahaharang ang sound waves. Maaari itong malunasan sa pamamagitan ng operasyon at sa pagsusuot ng hearing aid.
Ang paggamot sa pagkabingi ay depende kung ano na ang kalagayan ng taynga. Kung mayroong tubig o luga ang gitnang bahagi ng taynga, kailangan itong i-drained.
Sa pagpili ng hearing aid dapat maingat na pumili kung ano ba ang naaakma sa dahilan ng pagkabingi ng pasyente. Cochlear implants ang tawag sa mga taong sobra na ang pagkabingi at hindi na maaaring gamitan ng hearing aids.
- Latest
- Trending