EDITORYAL - Wala nang silbi ang Sangguniang Kabataan
PATULOY na nakatatanggap ng allowance ang mga nahalal na opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) pero wala silang naisisilbi sa kanilang nasasakupan. Kung ganito ang nangyayari, dapat nang wakasan ang kanilang pananatili.
Noong nakaraang barangay elections, marami nang batikos ang narinig laban sa SK. Marami nang reklamo kaya nararapat nang buwagin. Pero ang panawagan ay nagdaan lamang sa kaliwang taynga at lumagos sa kanan. Walang balak na putulin ang kanilang pananatili. Karamihan sa mga nahalal na SK officials ay anak ng mayor, vice mayor at barangay chairman. Pinakyaw na nila. Inihahanda habang bata pa na sumunod sa kanilang yapak. Ang masaklap, maagang nalulublob sa kumunoy ng corruption ang mga SK officials.
Maski si Sen. Aquilino Pimentel Jr. ay pabor na buwagin na ang SK. Mas matindi ang mga sinabi ni Pimentel kaya nararapat nang buwagin ito. Sabi ni Pimentel, nawalan na ng direksiyon ang SK at hindi na nakakatulong sa pag-unlad ng komunidad. Kinakaligtaan na umano ng SK officials ang kanilang tungkulin sa mga kabataan sa kanilang komunidad. Naookupa na ang panahon ng SK officials sa kung anu-anong mga bagay at ang nakadidismaya pa raw patuloy na nakatatanggap ng kanilang suweldo o allowance ang mga SK officials.
Kakatwa ang pagnanais ni Pimentel na mabuwag na ang SK sapagkat kung ano ang kanyang pagsisikap na buuin ito noong siya pa ang Local Governent secretary ay siya namang pagpupumilit niyang wakasan na ito.
Wala na ngang halaga ang SK at dapat lang na buwagin. Hindi na dapat ipagpatuloy pa ang ganitong uri ng samahan ng kabataan na wala namang idinudulot na kagalingan sa mga nasasakupan. Ano pa ang silbi ng ganitong samahan kung wala namang nagagawa sa ikauunlad ng komunidad. Buwagin ang walang pakinabang. Hindi na dapat pang patagalin ang buhay ng SK.
- Latest
- Trending