TATLONG Pinay na ang nahahatulan ng kamatayan sa Kuwait at hilong talilong na ang gobyerno ng Pilipinas kung paano sila maliligtas sa kamatayan sa pamamagitan ng pagbigti. Kung hindi malilimitahan ang pagtatrabaho ng mga Pinay bilang domestic helper sa nasabing bansa ay baka madagdagan pa ang mahahatulan ng kamatayan. O ang mas maganda ay iwasan na muna ang Kuwait ng mga nagnanais mag-DH. Huwag sa Kuwait magpatulo ng pawis sapagkat marami nang masamang nangyari sa mga Pinay DH. Bukod sa nahahatulan ng kamatayan dahil sa mabibigat na kasalanan, marami ring Pinay ang inaabuso roon. Noong 2006, sunud-sunod ang mga ginagahasang Pinay. Inaabangan ng mga Kuwaiti ang mga Pinay habang naglalakad sa ilang na lugar at saka sapilitang isasakay sa kotse at dadalhin sa disyerto para i-gang rape. Pagkatapos gahasain, iiwan na lamang ang kawawang DH sa ilang na lugar.
Ayon sa report ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang pinakabagong Pinay na nahatulan ng kamatayan ay nagngangalang Jakatia Mandon Pawa, 31, taga-Zamboanga del Norte. Umano’y pinatay ni Jakatia ang anak na dalaga ng kanyang amo sa pamamagitan ng pagsaksak. Pagkatapos saksakin ay tumalon umano sa bintana ang Pinay para tumakas. Naganap ang pagpatay noong madaling araw ng May 14, 2007. Natutulog umano ang biktima nang pagsasaksakin ni Jakatia.
Itinanggi naman umano ni Jakatia ang pagpatay. Hindi raw niya magagawa ang ganoong krimen sapagkat matagal na siyang naglilingkod sa kanyang mga amo. Pero hindi pinaniwalaan ng korte ang kanyang mga sinabi at hinatulan pa rin siya ng kamatayan. Kahit na ang mga defense lawyers ay iginiit na dapat maeksamin ng psychiatrist si Jakatia, hindi rin ito pinayagan ng korte. Walang sinabing petsa sa pag-execute kay Jakatia.
Ang dalawang Pinay DHs na nahatulan ng kamatayan ay sina Marilou Ranario at May Vecina. Masuwerte si Ranario sapagkat ibinaba ng Emir ng Kuwait ang sentensiya. Sa halip na kamatayan, ginawa itong habambuhay na pagkabilanggo.
Mas marami ang masamang balita sa mga Pinay DH sa Kuwait kaysa sa mabuti. Pawang pagmamaltrato at pang-aabuso. Dapat lamang na iwasan muna ang bansang ito ng mga nagbabalak mag-DH.