LIGTAS pa ba ang mamamayan sa kuko ng mga riding-in-tandem na gumagala sa mga lansangan? Ito ang malaking katanungan sa ngayon na kumakalat sa lahat ng sulok ng Pilipinas.
Mistulang hilong talilong ang mahihirap na mamamayan sa pagpila sa mga outlet ng National Food Authority (NFA) upang makabili ng tatlong kilong bigas at naroroon din ang pangamba na maaari rin silang maging biktima ng mga riding-in-tandem.
At dahil sa hirap ng buhay sa kasalukuyan ay hindi maiaalis sa isipan ng mamamayan ang pangamba sa kanilang kaligtasan, dahil halos lahat ng bilihin ay tumaas at marami ang walang hanapbuhay.
Ang tanging pag-asa na lamang nila ay ang manalangin sa Diyos at manawagan sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na sana’y gabayan sila sa araw at gabi. Ngunit tila kulang pa ang kanilang dalangin dahil halos araw-araw na silang nakakabalita ng patayan matapos malusutan ng mga tulisang riding-in-tandem ang mga ipinakalat ni Mamang Pulis Avelino Razon Jr.
Sayang lamang ang pagtilamsik ng laway ni PNP chief Dir. Gen. Razon sa lahat ng mga interviews sa radio at telebisyon kung ang mga tauhan mismo niya ang nagbabalewala sa kanyang kautusan.
Tunay na malinis ang hangarin ni Mamang Pulis Razon na mabigyan ng seguridad ang sambayanan ngunit tila bulong lamang sa hangin na tumatagos sa taynga ng mga opisyales at mga tauhan ang kanyang kautusan, he-he-he! Puro pa-pogi lamang ang mga opisyales sa harap ng mga reporter. Get n’yo mga suki?
At bilang patunay na binabalewala ng mga magigi- ting kuno na mga opisyales ni Mamang Pulis Razon ang kanyang kautusan ay ito ang pinakahuli sa mga pangyayari na aking nabalitaan.
Maituturing na inutil ang kapulisan ng Parañaque City matapos salakayin ng anim na miyembro ng riding-in-tandem ang highway commercial sa may kahabaan ng Canaynay St., San Dionisio dakong 6:30 ng gabi.
Dinisarmahan ng mga suspek si Joey Rosario na nasa labas ng naturang establisimento ngunit pumalag kaya pinagpapalo ng baril sa ulo. Minalas namang mapatay si Joselito Antonio nang tangkaing tulungan ang kanyang kasama (Rosario). Binaril siya sa dibdib.
Tumagal nang humigit kumulang sa 15 minuto ang pamamaril ng mga kawatan na ikinamatay pa ng negosyanteng si Danilo Mauricio at ikinasugat pa ng dalawang di nakilalang katao. Iniabot na lamang umano ni Angel Dy sa mga holdaper ang benta ng kanyang tindahan sa maghapon upang makaiwas ito sa kapahamakan. At habang papatakas ang mga ito ay walang humpay pa ang pagpapaputok ng mga ito patungo sa Evacom, he-he-he! Nasaan ang mga pulis ni Supt. Ronald Estilles ng mga sandaling iyon?
Noong Martes lamang ng tanghali ay tinangay naman ng may apat na myembro ng riding-in-tandem ang P310,000 at service firearm ni Chief Insp. Isagani Ilas, ang Investigation Chief ng Sta. Cruz/Central Market Police station, he-he-he! Talagang walang sinasanto ang mga ito. Kahit opisyal pa ng pulis ang kanilang makasagupa. Get n’yo mga suki?
Aba General Razon, Sir, paki-kastigo mo nga po ang iyong mga opisyal. Pakilusin sila para mahadlangan na ang pamamayagpag ng mga tulisang riding-in tandem. Hala kilos na, Mamang Pulis! Abangan!