Thawip

NAKATUNGANGA ako sa bawat salita na binitiwan ni Maj. Gen. Thawip Netniyom, chief ng Policy and Plans Office ng Royal Thai Armed Forces noong nakapanayam ko siya sa Bangkok, Thailand noong nakaraang linggo.

Si Thawip, 50,  ay isa sa mga coup leaders na nagpa­talsik sa puwesto kay dating Thai Prime Minister Thaksin Shinawatra noong September 2006. Siya ang leader ng tropa ng mga tanke sa kasagsagan ng nasabing coup.

At si Thawip din ang naging spokesman ng Council for Democratic Reform under the Constitutional Monarchy na itinayo at namahala sa Thailand pagkatapos na napaalis si Thaksin sa puwesto. Naging sikat ang kanyang linya noon na parati niyang sinasabi, “Sometimes, somebody has got to do something,” tuwing tinatanong siya ng mga mamamahayag kung bakit nila nilunsad ang coup.

Higit sa lahat, si Thawip ang topnotcher ng Class 1981 ng Philippine Military Academy. Siya ay pinadala noon bilang scholar ng pamahalaan ng Thailand. Nag-aral din siya sa Ateneo de Manila bago pumasok sa PMA upang matuto ng English

Naikuwento ni Thawip na sa buong buhay niya, dito lang siya nakatikim ng palo sa Pilipinas na kung saan ay siya ay naging kadete ng PMA sa loob apat na taon. Ayon kay Thawip, kahit na retired Maj. General din sa Thai Army ang kanyang ama, hindi siya pinalo nito. Tinawag nga niyang “harsh treatment” ang naranasan niyang hazing at punishment sa PMA.

Subalit, sinabi ni Thawip ang karahasan na natikman niya bilang kadete ng PMA ay malaki ang naitulong sa paghubog ng kanyang pagkatao na siyang naging daan sa kanyang pagkamit ng napakahalagang puwesto ngayon sa Thai military. Sabi nga niya na sa loob ng pitong taon, baka siya na ang maging Supreme Commander ng Thai Armed Forces, na ang katumbas sa atin ay Chief of Staff ng Armed Forces.

Ayon kay Thawip, kahit siya ay busy sa trabaho, araw-araw nagigising pa rin siya ng alas kuwatro ng madaling araw at agad-agad binubuksan niya ang kanyang computer upang malaman sa website forum ng Dimalupig Class 1981 ng PMA kung ano ang bagong nagaganap sa mga buhay-buhay ng kanyang mga kaklase. Alam daw niya ang mga galaw at kung saan napupunta ang kanyang mga kaklase. At hindi rin niya nakaliligtaang batiin kung sino man sa klase nila ang may birthday o di kaya’y nag-celebrate ng wedding anniversary.

At ngayon pa lang ay naghahanda na si Thawip ng maiibigay na regalo sa kanyang mga kaklase at mga asawa nito para sa darating na 30th anniversary nila sa PMA homecoming ngayong 2011. Ang asawa ni Thawip ay isa ring ganap na colonel sa Thai Army. Ayon kay Thawip, talagang nakalagay na sa kanyang kalendaryo na talagang pupunta siya sa Baguio City para sa homecoming kahit anuman ang mangyari.

Talagang hindi nakalilimot si Thawip sa kanyang mga kaklase sa PMA, maging sa institution mismo na sinasabi niyang pinagmamalaki niya. Minsan nga raw kapag nag-uusap sila ni Col. Richard Lagrana, ang ating Defense Attache sa Bangkok ngayon, ay hindi mapigilan ni Thawip na siya magsalita rin ng Tagalog. Si Col. Lagrana ay kaklase rin ni Thawip sa Class 1981.

Magaling si Thawip. Kahit anong paksa ang pag-uusapan, parati siyang may masasabi. Ngunit mas higit ko siyang hinangaan noong dumating siya mga 8:00 p.m. na,  sa aming meeting place sa 7th floor ng Central Chidlom Mall sa Bangkok. Dumating siyang nakauni­porme pa at nag­paumanhin pa nga dahil kagagaling daw niya sa katatapos lang na tatlong araw nilang conference kasabay ang mga Australian defense officials.

Dumating si Thawip na bitbit ang pinamili niyang gamit sa golf. Tinanong ko siya kung nasaan ang mga bodyguards niya. Sagot niya ay hindi siya sanay na may aali-aligid sa kanya. Ayon kay Thawip, mas gusto niya ‘yung may space siya para makagalaw na walang sumusunod.

At higit sa lahat, si Thawip pa pala mismo ang nagda-drive sa sarili niya at pinauwi raw niya ang driver niya.  “My driver has a family. He has to get home and spend time with his family. And I understand that,” yon ang tugon ni Thawip. Sinabi rin niya na may mga panahon din daw na sumasakay siya ng BTS, o tren, patungo sa kanyang opisina sa Bangkok, para lang makatipid sa pera at nang sa gayon ay walang panahong maaaksaya.

Napakasimpleng tao ni Thawip kahit pa man napakahalaga na ng position niya sa Royal Thai Armed Forces. At naintindihan ko kay Thawip ang sinasabing “Gentle Thai”.

Show comments