Hindi umubra ang ‘palos’ na si Opiana kay Supt. Mariano
NALAGLAG sa patibong ni Supt. Roderick Mariano, hepe ng District Anti-Illegal Drugs-Special Operation Group (DAID-SOG) ng Manila Police District (MPD) ang isang tinaguriang “palos” na drug pusher. Nagpakalat ng mga tauhan si Mariano, naglagay ng pain na nagresulta sa pagkaaresto kay Joel Opiana, Alias Jek-Jek, 26, ng 1661 Estrada St., San Andres, Bukid, Manila.
Ayon kay Mariano nag-ugat ang pag-aresto kay Opiana ng magsumbong sa kanya ang ilang residente na tila candy lamang ang pagbebenta ng suspek sa Estrada at Dagonoy Market na ang karamihan sa kanyang mga parokyano ay pedicab driver.
Ayon pa sa sumbong na ipinarating kay Mariano, si Opiana ay madalas na nakaupo sa harapan ng kanilang bahay hawak ang isang PVC pipe na kulay orange na nakatupi ang dulo at oras na may bumili sa kanya ay agad na niya itong inaabot. He-he-he! Lantaran nga di ba mga suki!
At pagsapit ng dapithapon ay naka-puwesto naman si Opiana sa likurang bahagi ng Dagonoy Market na naglalako ng kanyang panindang droga. Mahihirapan din umanong maaresto si Opiano kung sasalakayin ang kanyang bahay dahil sa bukod sa matibay ang pintuan nito sa ikalawang palapag ay may exit door pa itong ipinagawa sa bubungan upang madaling matakasan ang mga pulis na aaresto sa kanya.
Sa bahay din umano nito nagpa-pot session ang ilang durugista na ang karamihan ay mga tirador (Salisi gang) ng
Kilalalang-kilala rin si Opiana sa kanilang lugar dahil takot ang lahat ng mga adik sa kanya kung kaya’t mataas ang respetong ipinakikita sa kanya ng mga durugista at ang mga ito pa ang nagbibigay sa kanya ng proteksyon. Mahihirapan nga talaga ang mga elemento ng kapulisan na mahuli si Opiana dahil halos lahat ng sulok na kanyang nasasakupan ay may mga “look-out” siya.
Ngunit di umubra ang pagka-palos ni Opiana dahil kung tuso man daw ang matsing ay na-iisahan din. He-he-he! At iyan ay sa katauhan ni Mariano na bihasa sa larangan ng mga operasyon laban sa droga.
Si Mariano ay naging matapat at matagal na tauhan ni Gen. Ricardo de Leon, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force (AIDSOTF) na kung saan ay di matawaran ang kridibilidad na sumalakay sa mga shabu laboratory. Get n’yo mga suki?
Kaya’t kahit anong dulas ni Opiana ay sisiw lang kay Mariano kaya’t nalambat din nila sa matiyagang pagmamanman at nagpakalat ng mga pain. At isa lamang si Opiana na naging tagumpay ni Mariano na naidagdag sa kampanya ng droga sa buong lungsod ng Maynila.
Sa ngayon tinitingala ang MPD dahil sa pinaka-mataas na bilang ang naaresto laban sa droga na naayon sa kautusan ni Manila Mayor Alfredo Lim at MPD Director Chief Supt. Roberto Rosales. At nangangako si Mariano at kanyang mga tauhan na pag-iibayuhin pa nila ang kampanya laban sa salot na droga. Mabuhay ka Supt. Mariano at nawa’y madagdagan mo pa ang iyong kasipagan upang matuldukan na ang naglipanang mga salot na pushers sa Maynila.
- Latest
- Trending