NAKUHA pa ni ERAP na magbiro tungkol sa usaping COMEBACK – babalik nga raw siya. Sa pag-aartista! Hindi naman ito biro kung tutuusin dahil alam nating lahat ang istorya ni ERAP bilang hari ng pinilakang tabing bago naging hari ng bansa. Inumpisahan ni Ka Rogelio de la Rosa, at sinundan nina Eddie Ilarde, Orly Mercado, Ramon Revilla Sr. at Jr., Lito Lapid, pinatunayan na ang kasikatan ay sapat nang puhunan upang makapuwesto sa matataas na posisyon ng pamahalaan. At sa katauhan ni ERAP at ni FPJ, naipakita na maski ang Malacañang ay hindi lang abot-tanaw kung hindi abot-kamay din ng ating mga idolo.
Taon 2007 nang mag-umpisang magkalamat ang alamat ng artistang pulitiko. Cesar Montano, Richard Gomez, isa-isang pinulot sa kangkungan sa kabila ng kanilang katanyagan. Hindi pala ganun kadali ang formula. Dahil sa tindi ng poot ng tao sa administrasyon, kinailangan ni Montano at Gomez ng higit pa sa ordi naryong kasikatan upang seryosohin ng tao. May magandang rekord ba sila o di kaya’y magandang palatuntunan ng pamahalaan? Ang resulta ng eleksyon ay patunay na sa mga panahon na napukaw na ang damdamin ng tao, ang kasikatan ay maaaring maging hadlang sa halip na maging lamang. Wala itong maitutulong kung ika’y manyika lang ng nasa kapangyarihan. Sabi nila nung 2004, galit na raw ang tao sa artista dahil nasunog na ang bansa kay ERAP -– eh bakit nakalusot noon si Bong Revilla at Jinggoy Estrada?
Kamakailan, inilutang ng administrasyon ang mga pangalang Vilma Santos at Bong Revilla bilang posibleng vice presidential candidate kay Noli de Castro. Anumang plus ang meron sila dahil sa pagiging sikat, siguradong minus na sa kanila ang pagiging tuta ng isang administrasyong hindi pinagkakatiwalaan. Kaya quits –- patas na ang laban. At ano pa ang naiiwang bentahe kapag natanggal na ang lamang ng pagiging sikat? Tingnan ang rekord, ang palatuntunan. Kung may si nasabi – tulad ni ERAP na naging mahusay na mayor, senador at vice president –- eh di swerti! Pero paano kung wala nang maipagmamalaki?