EDITORYAL – Patuloy ang Sayyaf sa pangingidnap!

SINO ang maysabing naputulan na ng sungay at pangil ang mga teroristang Abu Sayyaf? Hindi pa sila nalilipol at lumalakas pa sapagkat nagagawa pang makapangidnap. Kahit napatay na ang kanilang lider na si Abu Sabaya at si Khadafy Jan­jalani nananatili pa rin silang nakatindig at nami­minsala. Maski marami sa kanilang kasamahan     ang nahatulang mabilanggo nang habambuhay   dahil sa pagkidnap kina Martin at Gracia Burnham hindi ito dahilan para matakot sila at hindi na ma­ngidnap. Patuloy pa rin sila sa masamang gawain. Kaya ang inaakala na tumigil na ang mga terorista, isang malaking pagkakamali sapagkat buhay na buhay pa sila at namiminsala.

Patunay sa patuloy na pamiminsala ng mga teroristang Sayyaf ang ginawang pagkidnap sa dalawang lalaki sa Patikul, Sulu noong Huwebes. Nakasakay sa Hummer ang dalawang lalaki na nakilalang sina Rolando Benitez at isang nag­ngangalang Edmar nang harangin sila ng Sayyaf. Ang Hummer ay pag-aari ng isang mayor. Naganap ang pagharang dakong 9:30 ng umaga sa Sitio Timpuuk. Pinamumunuan ng isang nagngangalang Commander Kirrrih ang mga nandukot na Sayyaf. Dinala ang mga bihag sa bundok. Dahil sa nangya­ring pagdukot, kinansela ng mga pampasaherong bus ang kanilang biyahe sa lugar sa takot na mayroon pang dukutin. Marami ang na-stranded.

Tiyak na ipatutubos ng mga teroristang Sayyaf ang kanilang dinukot. Iyan ang kanilang tatak — ang mandukot at saka ipatutubos. Noon pa man ay ganito na ang kanilang gawain para kumita ng pera. Noon ay pawang dayuhan pa ang kanilang binihag sa Sipadan, Malaysia. Milyong dollar ang hininging ransom ng mga terorista.

Walang patawad ang mga terorista na kahit ang mga bihag na babae ay kanilang pinapatay. Isang babaing guro na kanilang dinukot ang tinapyasan ng suso bago pinatay. Dalawang gurong lalaki ang kanilang pinugutan ng ulo at saka ikinalat ang mga ito sa isang palengke sa Basilan. Pati ang isang Katolikong pari ay binunutan muna ng mga kuko saka pinatay.

Iligtas ang mga kinidnap at paigtingin ng Armed Forces of the Philippines ang opensiba sa teroris­tang Sayyaf. Marami nang nagawang kasalanan sa mamamayan ang mga terorista kaya nararapat lamang na malipol na sila. Patuloy na iiwasan ng mga dayuhan at turista ang Pilipinas kung hindi mauubos ang Sayyaf.

Show comments