ANG pinakamalaking talo sa bangayan nina Sen. Ramon Revilla, Jr. at Optical Media Board (OMB) Chair Eduardo Manzano ay ang kampanya mismo laban sa Intellectual property piracy. Masdan ang latest na side-effect ng away: Tinanggal ng Senado ang budget ng OMB. Kung hindi mababago sa Conference Committee ang naging pasya ng Senado, ang suma total ng salaping makukuha ni Edu sa Gobyerno sa taong 2008 ay P0.00.
Lubhang dinibdib na ng dalawang dating magkaibigan ang kanilang iringan. Si Sen. Revilla ay kikilos pa rin daw na mabalik sa OMB ang tinanggal na budget (P25.2 million) sa kabila ng patuloy na panghamak nito sa liderato ni Manzano. Kahit pa “nabastos” daw ni Edu ang institusyon. At hindi rin naman tumiklop si Chairman — ok lang daw at hindi naman kailangan ng ahensiya ang hininging halaga. Siguro masasagot na ang pangangailangan sa kinikita nito sa ibang sources. O baka didiretso na lang sa discretionary fund ng Palasyo.
Ayon kay Senate Pres. Manny Villar, tinanggal ang budget dahil hindi raw masaya ang Senado sa “performance” ng OMB — wala naman daw nabibihag na “malaking isda” at patuloy ang malayang operasyon ng mga pirata. Sa katunayan, mula pa raw 2001 ay hindi na natanggal ang Pilipinas sa Priority Watch List ng US Trade Representative bilang isa sa mga pinakamalala ang pamimirata.
Kung ito nga ang dahilan ng Senado, sana’y magdalawang isip. Bakit isisisi sa OMB ang patuloy na pagkalat ng pirata? Ang paghuli ng pirata at pagpakulong nito ay pangunahing obligasyon pa rin ng ating mga pulis at hukuman. Bagamat binigyan ang OMB ng kapangyarihan ng batas (R.A. 9239) na mag-inspeksyon at mangumpiska ng mga disc at epektos ng pagpirata kahit wala silang warrant, hindi pa rin ganun kasimple ang kanilang trabaho. Higit na malalim ang ugat ng problema ng piracy — ang pinakamatindi pa rin dito ay ang kawalan ng pag-unawa ng lipunan. Sa bagay na ito tila may madadampot pang buti sa Bong vs Edu — at least mabibigyan ng mahalagang publisidad — kahit negatibo — ang kampanya laban sa pirata. Anumang publisidad ay makadaragdag sa kaalaman ng bansa sa salot ng Piracy of Intellectual Property.