EDITORYAL — Marami pang Marilou Ranario
MAS masuwerte si Marilou Ranario kaysa kay kay Flor Contemplacion. Mas nabigyan ng atensiyon si Marilou kaya ka Flor. Si Flor ang domestic helper na binitay sa Singapore noong 1995. Isang malaking dagok sa gobyerno ni Fidel Ramos sapagkat wala siyang nagawa para mailigtas ang kawawang domestic helper. Kaya mas nakalalamang si President Arroyo kaysa kay FVR na isang babaing DH ang naisalang sa bibitayan.
Dalawa na ang naisasalba ni Mrs. Arroyo sa tiyak na kamatayan. Ang una ay ang truck driver na si Angelo de la Cruz na kinidnap ng mga militante sa Iraq. Inalis ni Mrs. Arroyo ang Philippine peace-keeping force sa Iraq para mapalaya lamang si De la Cruz. Binatikos si Mrs. Arroyo ng US at iba pang coalition forces.
Ngayon ay tagumpay na naman si Mrs. Arroyo dahil kay Marilou na nakatakda nang patawan ng parusang kamatayan dahil sa pagpatay sa among Kuwaiti. Nahatulan na si Marilou at ang hinihintay na lamang ay ang pirma ng Emir ng Kuwait. Pero madaling nakakilos si Mrs. Arroyo at naisalba sa kamatayan ang DH. Ibinaba sa habambuhay na pagkabilanggo ang parusa at ang sabi sa huling report maaaring mabawasan pa ang sentensiya.
Masuwerte si Marilou at naging maingay ang Migrante International sa kanyang kaso at pinagpistahan ng media. Kung wala ang Migrante, maaaring sapitin ni Marilou ang sinapit ni Flor na bago napansin ng media at mismong mga opisyal ng bansa ay noong bibitayin na lamang.
Sa pagkakaligtas kay Marilou ay marami namang pulitiko ang pumapapel para sa kanila ma-credit ang pagkakasalba sa kamatayan ng DH. Umaali-aligid sila sapagkat maaaring maging behikulo nila sa pag-akyat sa trono. Gusto nilang makinabang sa trabaho ng iba.
Kung nais ng mga pulitiko na nag-aambisyong maging pinuno ng Pilipinas, bakit hindi nila alamin kung ilan pang Pinoy ang nasa mga kulungan sa ibang bansa at naghihintay na lamang ng pagbaba ng hatol. Sa halip na makisakay sa isyu ni Marilou, ang pagsasalba sa iba pang tinaguriang “bagong bayani” na nasa mga kulungan ang kanilang atupagin iyan ay kung gusto nilang makatulong at hindi para mamulitika.
- Latest
- Trending