KADALASAN kapag nangyari na ang isang bagay saka lumulutang ang pagsisisihan. Maraming sinisisi kung bakit nangyari ang ganito. Ituturo si ganito at si ganoon na may kasalanan kaya nangyari ang lahat. Walang katapusang pagsisisihan ang mangyayari.
Ang paglulungga ng grupo ni Sen. Antonio Trillanes sa Manila Peninsula noong November 29 ay pinag-uugatan ng pagsisisihan kung bakit nangyari ang hindi naman dapat mangyari. Sinisisi ang pinagdausan ng hearing nina Trillanes, Lim at iba pang Magdalo soldiers. Hindi raw dapat sa ganoong lugar ginagawa ang hearing. Sinisisi rin ang kakulangan sa seguridad ng Korte. Dapat daw ay guwardiyado ang Korte para hindi nagawang makapag-walkout o makatakas ang mga akusado sa rebellion. Sinisisi ang mga namumuno sa Makati City at bakit daw napabayaang lumaki ang gulo.
Kung anu-ano at kung sinu-sino pa ang mga sinisisi na dapat ay ganito o ganiri ang ginawa. Pero sa dami ng paninisi, tila nalilimutan na sisihin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) dahil sa kahinaan ng kanilang intelligence o pang-amoy. Hindi ba nasagap ng military intelligence ang gagawin nina Trillanes? Kung hindi nila natunugan, sayang lamang ang malaking intelligence fund na taun-taon ay nadadagdagan. Saan nila ginagamit ang pondo sa intelligence?
Talagang mahina ang intelligence sapagkat matagal nang nasa court hearing ang grupo ay wala pang mga sumusugod sa lugar para mapigilan ang mga gagawin pa. Mahinang makatunog sa mga mangyayari sapagkat nahayaan pang makapaglakad ng 45 minutes ang grupo nina Trillanes patungong Manila Pen. Sobrang hina ng intelligence sapagkat nakapasok ang grupo sa Manila Pen na walang kahirap-hirap. Pitong oras na naglungga sa hotel sina Trillanes at sumuko lamang nang i-teargas.
Kahinaan ng intelligence ng AFP at PNP ang dapat bulatlatin dito. Sa maniwala at sa hindi pati nga ang sundalong guwardiya nina Trillanes ay hindi natunugan na papanig din sa mga rebelde.
Kung mahina ang intel ng AFP at PNP paano makasisiguro ng kaligtasan ang taumbayan laban sa maghahasik ng lagim, gaya ng mga terorista. Ito sana ang bigyang-pansin ngayon ng pamahalaan.