Draconian Marcosian Macapagalian Curfew
BANDANG 6 p.m. nung Huwebes nang muling magisnan ng bansa ang salitang curfew. Sa aming mga inabutan ng martial law, parang biglang nag-twilight zone at nabalik ang mga mapait na alaala ng 1972 hanggang 1973 nang napailalim ang buong Pilipinas sa Marcos curfew. Siyempre, sa mga bagong henerasyon, isang malaking “huh?” ang reaksyon sa balita. Ano nga ba ang kahulugan nitong curfew at bakit ito nagkaroon ng napakasamang reputasyon?
Ang salitang curfew ay hango sa French na “couvre-feu”. Sa Ingles, Cover Fire. Nung panahon na wala pang kuryente at gumagamit pa ng “fireplace” sa mga bahay na gawa sa kahoy at pawid, naging peligro ang makatulog na nagbabaga pa ang apoy. Kaya’t para maiwasan ang sunog, naging mahigpit na patakaran na pagdating ng dapithapon ay couvre-feu na: Takpan ang apoy at matulog na lahat. Nang lumaon, curfew na rin ang tinawag sa mga batas na pinalilisan ang tao sa lansangan at manatiling nasa bahay na lamang. Gamit ito kapag may digmaan o emergency. At bilang pangontra sa posibleng abuso, batas lang ang maaaring magpatupad ng curfew.
Maselang usapan ang ganitong paghihigpit dahil taliwas sa mga karapatang pantao sa Saligang Batas, lalo na sa “freedom to travel”. Kaya’t siniguro sa Konstitusyon na maaari lang limitahan ang pagkilos at paglakbay ng mamamayan kapag pinagbawal ng isang batas. Kung walang naunang determinasyon ang ating mga kinatawan sa Senado at Kongreso, wala ring batayan upang ito’y ideklara ng Presidente. At ito nga mismo ang naganap nung Huwebes. Walang naunang batas, at aminado si Exec. Secretary Ermita na ni wala pa ngang naisulat sa papel ang Palasyo, pero inanunsyo na ni Secretary Puno ang deklarasyong nagsalaula sa ating mga karapatan.
Sa henerasyon na lumaki sa kandungan ng isang malayang pagkabuhay, hindi agad maiisip na ang curfew ay isang pagkumpromiso sa kalayaan. Subalit tayong mga batikan ay minsan nang napaso rito. Batid natin na sa paisa-isang pinapabayaan nag-uumpisa ang abuso. Sa Huwebes lang ay kita na ang posibleng patutunguhan ng poder na hindi narerendahan. Gamitan ba naman ng batalyon, armored vehicle at high calibre bullets ang kapirangot na target. Maski pobreng media, pinatulan. Ito ang tunay na krimen ng Manila Pen Standoff. Kapag hindi ito hahadlangan, para itong rumaragasang apoy na tutupukin ang lahat na masasagasaan. Bago pa man tuluyang masunog ang lahat, patayin na ang apoy. Couvre-feu!
- Latest
- Trending