BIGLANG nag-walkout habang naghi-hearing ng kani-kanilang kaso sina Sen. Antonio Trilla nes at dating Scout Ranger chief Brig. Gen. Danilo Lim. Tinakasan nila ang Makati City Regional Trial Court at nagmartsa sa Makati Avenue saka tumuloy at naglungga sa Manila Peninsula kasama sina dating Vice President Teofisto Guingona, Bishops Antonio Tobias at Julio Labayen. Tinatayang 30 sundalo ang sumama sa kanila.
Hiniling nila ang pagbibitiw ni President Arroyo. Hindi na raw ito dapat pagtiwalaan dahil maraming kasalanan sa bansa at mamamayan.
Matindi ang pagkamuhi nina Lim at Trillanes kay President Arroyo kahit marami na ang mga namagitan na hintuan na ang pakikipaglaban sa gobyerno. Noong 2003, kinubkob ni Trillanes ang Oakwood Hotel samantalang si Lim ay pinamunuan ang mga opisyal at sundalo ng Philippine Marines noong Feb. 2006 kaya pareho na silang nahaharap sa mga kaso ng kudeta.
Walang supporters ni Trillanes ang dumating sa hotel. Nang wasakin ng tangke ang entrance ng hotel at pasabugan ng teargas ay parang mga daga silang nabulabog. Sumuko rin sila. Dinala sina Trillanes at Lim sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Palagay ko ang kanilang ginawa ay talagang nakaplano. Sanay sa estratehiya at psychological warfare sina Trillanes at Lim at ang kanilang mga kasamahan. Palagay ko rin umpisa pa lamang ang lahat — may susunod pang mangyayari.