‘Sumalisi si bayaw!’
Kapansin-pansin sa mga kasong RAPE na inilalapit sa aming tanggapan sa HUSTISYA PARA SA LAHAT na ang respondent(s) o ang taong nirereklamo ay kakilala ng biktima.
Nang dahil sa matinding pagtitiwala ay hindi inaakalang sa likod ng kabaitan ng ilan sa ating mga kakilala ay isa palang demonyo sa loob. Papaano na lang kung ang isang taong itinuring mo pang kadugo ang siyang gagawa ng isang bagay na hindi mo inaasahan?
Ganito ang kaso na inilapit sa amin ni Inocencio Balingit o Censio ng Silang,
Nag-iisang anak ni Cencio ang labing-anim (16) na taong gulang na biktima na itatago natin sa pangalan na “Precious”. Kasama niya ang asawang si Cora sa pagpapalaki ng anak. Maliban kay Precious ay itinuturing ding anak ni Cencio ang anak ng asawa na si Jenilyn mula sa unang relasyon nito bago sila nagpakasal nung taong 1992. Larawan sila ng isang masayang pamilya. Hindi nagkaroon ng problema sa pagitan ng kanilang mga anak.
“Special child si Precious. Nakakaintindi siya ngunit ang kanyang pag-iisip ay hindi tugma sa kanyang edad. Laking pasasalamat ko na naging malapit at maalagain si Jenilyn sa kapatid,” kuwento ni Cencio.
Hindi nagtagal ay nagkaroon ng sariling pamilya si Jenilyn.
Sa bahay ng magulang tumira si Jenilyn kasama ang asawang si Jobert Gonzales. “Extended family ties” isang katangian nating mga Pinoy, (hindi ko alam kung ito’y maganda) kung saan maliban sa ating immediate family ay pasok din sa ating poder o responsibilidad ang pagtulong o pagkupkop sa ating mga kapatid o kamag-anak na walang pinagkakakitaan.
Walang problema kay Cencio at Cora ang pagtira ng pamilya ni Jenilyn sa bahay nila. Si Jobert ay madalas na contractual ang nakukuha nitong trabaho kung kaya’t hindi sapat sa kanila ni Jenilyn lalo na nung inako ang kanilang pamilya.
Bilang mga magulang, pinupunan nina Cencio at Cora ang ibang kailangan ng mag-asawa. Mula sa kinikita ni Cencio sa pamamasada ng taxi ay nakakapagtabi pa rin sila ni Cora para sa panustos nina Jenilyn. Nang manganak si Jenilyn ay nag-alaga si Cencio ng 15 na manok upang may panggastos sa bata. Natapos na kasi ang isang kontrata ni Jobert at hindi rin sapat ang naipon nilang mag-asawa.
Nang makapagpahinga si Jenilyn mula sa panganganak ay naghanap siya ng trabaho. Nakapasok siya sa isang pabrika sa Cavite. Samantala, si Jobert muna ang naiiwan sa bahay nila para bantayan ang kanilang anak. Sa kabila ng kawalan ng trabaho ni Jobert, naging maayos pa rin ang ugnayan nito sa mag-asawang Cencio at Cora.
Enero 6, 2007, pagkatapos mananghalian, nakita ni Cora na kausap ni Precious ang kaibigang si Jainna. Hindi siya napansin ng dalawa kung kaya’t nagpatuloy sila sa kuwentuhan. Tila seryoso ang pinag-uusapan ng dalawa kung kaya’t tinangka niya silang lapitan. Nagulat siya sa narinig na sinabi ng anak sa kaibigan. Nagtapat si Precious na hindi pa daw ito dinadatnan at parang may madalas ay nanakit ang puson niya. Payo ng kaibigan na sabihin na lang niya sa magulang para magamot agad kung anuman ang sakit niya.
Kinausap agad ni Cora si Precious. Doon niya nalaman na matagal na itong hindi nagkakaroon ng buwanang dalaw. Bilang babae ay kinabahan agad si Cora. Wala naman itong nakikitang kaibigang lalake si Precious. Nang tanungin niya sa anak kung may itinatago ba ito sa kanila ay bigla na lang umiyak si Precious.
Hindi makapaniwala si Cora sa narinig na sagot ng anak. Ginalaw daw siya nang ilang beses ng kanyang Kuya Jobert. Paulit-ulit na tinanong ni Cora kung sigurado ba siya sa sinasabi. Hindi na nagsalita pa si Precious at tanging ang kanyang pagtango sa gitna ng kanyang pag-iyak hinihintay ni Cora na kompirmasyon.
Habang nasa biyahe si Cencio ay nakatanggap siya ng isang text message sa hindi kilalang cellphone number. Nagulat siya sa nabasa, “Bantayan niyo ang anak niyo dahil binababoy siya.” Agad siyang tumawag kay Cora at dito nalaman niya ang nabalitaan ng asawa. Pinayuhan nito ang asawa na ipa-check up na si Precious.
ABANGAN sa Biyernes, Nov. 23 ang pagpapatuloy ng kwento ni Precious, batay sa mga isinalaysay sa atin ni Censyo, EKSLUSIBO, dito lamang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166, 09198972854.
Sa puntong ito isang update sa kaso ukol sa brutal na pagpatay sa isang limang taong gulang na si Arlene Manalastas sa Guagua Pampanga. Matatandaan nating lumapit ang mag-asawang Carolyn at Alberto Manalastas sa aming tanggapan upang ilapit ang nangyari sa kanilang anak na binasag ang mukha, tinadtad ng saksak at ginahasa di umano ng isang labing dalawang (12) taong gulang na lalake, Juvenile in Conflict with Law (JICL).
Nagpadala ang National Bureau of Investigation, ng Medico Legal Officer na si Dr. Eduardo Vargas sa Guagua, Pampanga. Ayon kay Dr. Vargas, masusi niyang pag-aaralan ang mga reports na naunang nailabas at kung kakailanganin ay huhukaying muli ang bangkay ni Arlene.
Nagpapasalamat ang mag-asawang Manalastas sa NBI, kay Dr. Vargas, sa Department of Justice at sa Hustisya Para sa Lahat. Umaasa silang malalaman nila ang buong detalye sa likod ng brutal na krimen na sinapit ng kanilang anak.
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending