^

PSN Opinyon

Masamang hangarin

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -

NOONG 1992, bumili ng pitong parselang lupa ang mag-asawang Larry at Cora mula sa SHS. Mag­kakatabi ang lupa at nasa iisang bloke lamang. Nag­kakahalaga ito ng P1,364,460 at may kabuuang sukat na  943 square meters. Nag­bigay sila ng paunang bayad na P536,000 at nag-iwan   ng balanseng P828,460 na babayaran nila buwan-buwan sa loob ng isang taon. Napagkasunduan din na maaari silang mangu­tang ng pera upang tulu­yang mabayaran ang lupa.

Pagkatapos, namo­ses­yon na sa lupa ang mag-asawa. Nagpagawa sila ng bakod,  tarangka­hang bakal at dalawang gusaling palakihan ng binhi ng isda. Lahat ng ito ay nagkakahalaga ng P945,000. Nagpatambak din sila ng lupa at adobe upang tumaas ang lupa.

Sa lahat ng ito, ang hindi nabayaran ng mag-asawa ay ang buwanang hulog sa SHS. Hindi rin sila nakautang sa banko dahil wala silang doku­mentong pinanghaha­wakan maliban sa kontrata ng pagbebenta ng lupa. Isinauli pa nila ang kon­trata dahil sa mali ang numero ng mga lote at mga pangalan na nakasaad.

Noong Abril 11, 1997, ibinenta ng SHS ang dalawa sa mga loteng unang ibinenta kay Larry at Cora sa mag-asawang Mar at Nena. Mga    bagong titulo ang ibinigay sa ka­nila. Samantala, nangu­ngulit naman ang mag-asawang Larry at Cora tungkol sa tamang kon­trata ng bentahan. Imbes na makuha ng mag-asawa ang kontrata, nawala pa sa kanila ang dalawa sa lote dahil sa sapilitang pagpapabukas ng tarang­kahan at mga gusali ng mag-asawang Mar at Nena.

Dahil sa nangyari, nag­sampa ng kaso sa HLURB ang mag-asawang Larry  at Cora noong Hulyo 15, 1999 upang mapawa-lang-bisa ang naging ben­tahan pabor kay Mar at Nena, at upang humingi ng danyos-perwisyo pati na rin interes.

Ayon naman sa mag-asawang Mar at Nena, hindi na maaaring ung­katin pa ang bentahan dahil pinagkalooban na sila ng titulo. Tama ba sila?

MALI. Ayon sa ating batas (Article 1544 Civil Code), sa ganitong kaso ng dalawang bentahan, mas may karapatan ang 1.) tao na unang nakakuha ng lupa, may malinis na hangarin at siyang unang nagrehistro ng bentahan; 2.) kung wala nito ay ang taong unang namosesyon sa lupa; 3.) kung wala pa rin nito ay ang taong may pinakalumang titulo na maipakikita basta malinis at tapat ang kanyang ha­ngarin. Sa lahat ng kasong nabanggit, importante ang pagkakaroon ng tinatawag nating “good faith” o tapat na hangarin. Ibig sabihin wala silang dapat alam tungkol sa anumang kagu­luhang kinasasangkutan ng lupa.  Ang kaalaman ng unang bumili tungkol sa pagkakabenta muli ng lupa ng pangalawang beses ay di makaaapekto sa kanyang karapatan sa lupa maliban na lamang kung unang inirehistro ng pangalawang bumili ng lupa nung pangalawang bentahan at ng may mali­nis na hangarin o “in good faith”.  Ang kaalaman naman ng pangalawang partidong binentahan tungkol sa unang bentahan ng lupa ay makakaapekto sa kan­ya kahit pa siya ang unang nagpalipat/nagparehistro ng bentahan dahil siya ay maituturing na “in bad faith”.

Sa kasong ito, noong ibenta ang lupa sa ikala­wang pagkakataon, naka­posesyon na ang mag-asawang Larry at Cora. Ma­rami na silang naga­wang pagbabago kaya hindi na maaaring itanggi ng mag-asawang Mar at Nena ang kaalaman nila sa bentahang unang na­ganap. Ang naunang bu­mili ng lupa ang mas may karapatan (Spouses Tang­lao vs. Spouses Paru-ngao G.R. 166913, October 5, 2007).

ASAWANG

LUPA

MAG

NENA

SHY

UNANG

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with