Panalangin sa mga Saguisag
NAKALULUNGKOT ang aksidenteng sinapit ni dating senador Atty. Rene Saguisag na ikinasawi ng kanyang butihing asawang si Dulce. Kasamang naaksidente ang dance tutor na si Imelda Obong at driver na si Philip Calvario.
Kami ni President Erap at ng aming mga anak sa pangunguna ni Senate president pro tempore Jinggoy Estrada ay humihiling sa ating mga kababayan na ipagdasal na maka-survive at maka-recover agad sina Rene.
Ang buong pamilya Estrada, laluna si President Erap ay labis na nagulat sa pangyayari. Si Jinggoy at si Makati City Mayor Jojo Binay ang unang bumisita kina Rene sa ospital.
Bago naganap ang aksidente, ibinalita pa ni Rene kay President Erap na ikakasal sa Enero ang kanyang anak na lalaki. Si President Erap at President Cory Aquino ang magkatuwang bilang ninong at ninang sa kasal. Masayang-masaya rin sana ang pagdiriwang nina Rene at Dulce ng kanilang 38th anniversary sa susunod na buwan.
Sina Rene at Dulce ay napakabait na mga tao at napakabuting mga kaibigan. Si Rene, sa kanyang pagiging human rights lawyer at sa kanyang pagtatanggol kay President Erap sa hukuman, ay kinakitaan ng sinseridad sa gawain at katapangan sa pakikipaglaban para sa katotohanan at hustisya. Si Dulce naman ay tunay na may puso’t damdamin para sa mamamayan laluna sa mahihirap, at ito ay lalong nakita noong naging kalihim siya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ipanalangin po natin ang mabilis na paggaling nina Rene, ang maluwalhating pamamahinga ni Dulce kasama ng ating Panginoon sa langit, at ang matibay na pagharap ng kanilang mga anak na sina Rebo, Lara, Popoy, Mickey at Kaiza sa pagsubok na ito.
* * *
Para sa mga kababayan nating naghahanap ng serbisyo publiko, maaari kayong lumiham sa opisina ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada sa Room 602, Senate of the Philippines, GSIS Bldg., CCP Complex, Pasay City. Ipagpaumanhin na hindi po matutugunan ang mga solicitation letter.
- Latest
- Trending