^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Mga hayok sa 2010

-

MASAMA ang epekto ng pagkaka-pardon ni President Arroyo kay dating President Erap. Isang linggo lang matapos ma-pardon ay nagkilos namumulitika na ang dating presidente. May medical mission daw sa Tondo pero naghahagis ng kendi sa dinadaanang mga tao. Kasabay ng medical mission ay ang pagsambulat ng balitang magkatambal para sa 2010 si Makati City Mayor Jejomar at Sen. Jinggoy Estrada. Ano ba ito?

At isang araw makaraang sumabog ang magka­tambal, biglang nagpakuha ng retrato si Mrs. Arroyo, House Speaker Jose de Venecia at dating Pre­sident Fidel Ramos. Dati ay inupakan ni JDV si Mrs. Arroyo tungkol sa corruption sa gobyerno. Si FVR naman ay inupakan din si Mrs. Arroyo sa pagka­ka-pardon kay Erap. Pero sa isang iglap ay magkakasama na uli sila. Buung-buo na uli sila para sa 2010. Ano ba ito?

Naglalabasan na ang mga hayok sa 2010 presidential elections. Nakikita na ang pagporma na para bang wala na silang ibang nasa isip kundi ang pagtakbo sa 2010. Ano bang nangyayari sa mga pulitikong ito at masyado na yatang mga hayok para tumakbo?

Habang marami ang nalilipasan ng gutom, may mga pinapatay, may dinudukot, may walang matira­han, walang pambili sa ubod nang mahal na gamot at kung anu-ano pa ay tila wala silang pakialam dito. Mas nananaig na sa mga pulitiko ang makapuwesto sa 2010 at wala nang pakialam kung ano ang mga nangyayari sa paligid nila.

Maraming mahihirap ang patuloy na umaasa na mababago ang kanilang buhay. Noong 1998 ay kumandidato si Erap at nangako ng langit sa mga mahihirap. Wala raw sasantuhing kumpare at kaibi­gan pero hindi natupad. Naakusahan pa ng panda­rambong. Pumalit si Mrs. Arroyo na sa bawat SONA ay maraming pangako sa mga nagdarahop ang buhay. Sinabing gumaganda ang ekonomiya at lumago pa. Ang nakapagtataka’y hindi maramda­man ang sinasabing pag-unlad at sandamakmak na balita sa corruption ang umalingasaw.

Ngayon ay marami na naman ang pumuporma. Kahit na matagal pa ang election ay umiikot na, kumakaway na, marami nang praise release sa diyaryo at radyo.

Pakikinggan ba at paniniwalaan ba agad ang mga hayok?

ANO

ERAP

FIDEL RAMOS

HOUSE SPEAKER JOSE

JINGGOY ESTRADA

MAKATI CITY MAYOR JEJOMAR

MRS. ARROYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with