^

PSN Opinyon

‘Hindi duwag ang anak ko!’

- Tony Calvento -

Report muli sa Pagadian City
(Huling Bahagi)

Sa pagpapatuloy ng kuwento ni Efepania Bonion ng San. Lorenzo Ruis, Camarines Norte ukol sa pagkamatay ng kanyang anak na si Ma. Cristina Humpa, kay Director Rey Esmeralda, Chief of Regional Directors Services ng NBI at agad niyang tinawagan ang tanggapan nila sa NBI-Zamboanga del Sur. Nakausap namin ng personal si Chief Moises Tamayo ng NBI Zamboanga del Sur, upang alamin kung ano nga ba talaga ang totoong nangyari.

Ang unang ginawa ni Chief Tamayo ay magbigay ng proteksyon kina Efipania at sa kasama niyang pamangkin na si Elsie sa pagpunta nila sa Pagadian City.

October 17, 2007, sa unang pagkakataon ay nakarating sina Efipania at Elsie sa Pagadian City. Dumiretso agad sila sa opisina ni Chief Tamayo. Sinamahan sila ni Chief Tamayo papuntang Camp Abilon kung saan nakatira sina Cristina at asawa nitong Endito. Si P03 Endito Humpa ay pulis sa Pagadian City.

Pagdating nila sa bahay ng mag-asawa ay nagtaka sila nang makitang sarado ito at walang tao. Nagtanong sila sa mga kapitbahay at napag-alaman nilang sinabi umano ni Endito na dadalhin ang labi sa Bicol dahil iyon ang kahilingan ng ina ni Cristina.

Nagulat si Efipania sa narinig dahil wala naman iyon sa pinag-usapan nila ni Endito. Sa katunayan ay minamadali pa nga daw ni Endito na papuntahin siya sa Pagadian dahil ipapalibing na niya agad ang labi ng asawa. Sa puntong iyon ay nagdesisyon si Chief Tamayo na pumunta sa Police Station doon kung saan nakadestino si Endito.

Nakausap ni Chief Tamayo ang nagpakilalang hepe na si Superintendent Buenaobra. Dito napag-alaman nilang lumuwas si Endito sa lugar nila sa Lapuyan. Agad nilang inalam kung saan ang eksaktong lugar upang mapuntahan nila. Papagabi na noon kaya napagdesisyunan nilang luluwas na lang sila kinabukasan.

Tumuloy muna sina Efipania sa isang hotel upang makapag­pahinga. Bago pa nila matawagan si Endito ay tumawag na ito sa kanila upang alamin kung nasaan na sila. Nang sumagot silang kaninang umaga pa sila dumating ay nagalit daw umano itong si Endito. Bago ito nagpaalam ay sinabihan silang huwag umalis doon dahil ipapasundo na lang daw sila papuntang Lapuyan.

Kinabahan sina Elsie at Efipania kaya agad silang tumawag sa himpilan ng pulis upang sabihing huwag ituro kung saan sila tumuloy. Nang lumaon ay may tumawag sa kanilang isang pulis at sinabing dumating na nga ang dalawang kamag-anak ni Endito para sunduin sila. Hindi itinago nina Efipania sa pulis na ayaw nilang sumama sa mga susundo sa kanila.

Maya-maya ay may pumuntang pulis sa tinuluyang hotel nina Efipania. Nagpakilala itong si Dodong at sinabi nito na mas maganda kung tanungin muna nila ang desisyon ng NBI bago sila sumama papunta sa Lapuyan. Bandang alas-9:00 ng gabi ng inihatid sila ng pulis sa opisina ni Chief Tamayo.

Mga bandang alas-onse ng gabi nakatanggap ako ng tawag mula sa aming co-host at executive assistant sa “HUSTISYA para sa LAHAT” na si Marose Alaon na nagsasabing kinakabahan daw itong si Epifania at ang kanyang pamangkin.

Tinawagan ko agad si Chief Tamayo at hiniling na kung maari dun na sa opisina ng NBI matulog para mawala ang kanilang agam-agam. Agad naman kinupkop nila Chief Tamayo ang dalawa at kina­­bukasan ay nagpunta sa Lapuyan sina Efipania kasama si Chief Tamayo at mga tauhan nito lulan ng dalawang van.  Pagdating nila doon sa lugar na iyon ay nadatnan nga nilang doon na pinaglalamayan si Cristina.             

“Tila naguho ang mundo ko pagkakita ko ang walang buhay na anak ko. Bilang ina niya ay kilala ko siya at alam kong hindi niya kaya itong gawin sa sarili. Hindi niya kayang iwan ang kanyang mga anak,” naiiyak na pahayag ni Efipania.

Unang natanong na lang ni Efipania sa sarili ay kung ano talaga ang nangyari. Sinuyod niya ng tingin ang kanyang anak at napansin niyang tila bali ang kamay nito sa malaking pasang nakita niya dito. Nang tanungin niya kay Endito ay nakuha daw nito ang pasa nang madulas ito sa kanilang banyo. Iyon din daw ang dahilan kung bakit hindi ito tinanggap ng agency na siyang magpapaalis sa kanya papuntang abroad para magtrabaho bilang OFW.

Ayon kay Endito naging depressed daw itong si Cristina kaya nakuha nitong magpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sentido na gamit umano ang kalibre .45 na baril ni Endito.

“May mga bagay akong nakita na hindi tumutugma sa anggulo ng pagpakamatay gaya ng direksyon ng tama ng bala. Walang tattooing o sunog na dapat present yun kung magpapakamatay ka ng malapit sa sentido. Walang suicide note. Ito ang dahilan kung bakit kailangan imbestigahan ng mabuti itong asawa at ilang mga kapitbahay baka may ibang anggulo ang pagkamatay ni Cristina,” Ayon kay Chief Tamayo.

Sa pagtatanong naman ni Elsie kay Endito ay napag-alaman niyang natutulog daw ito sa sala nila nang gabing iyon. Si Cristina naman ay nasa loob ng kanilang kuwarto. Nagulat na lang siya nang gisingin siya ng kapitbahay nila dahil may narinig silang putok ng baril. Nang hanapin niya ang asawa ay nakita na niya itong nakahandusay at duguan.

Sa ngayon ay sinubpoena na ni Chief Tamayo si P03 Endito Humpa sa NBI para sumailalim sa isang paglilinaw at imbestigasyon. Nangako ang hepe ng NBI Zamboanga del Sur na bibigyan niya tayo ng update sa ginagawa nilang pag-iimbestiga.

PARA SA ISANG BALANSE at patas na pamamahayag bukas ang aming tanggapan para sa ‘yo P03 Endito Humpa. 

Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anu­mang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

 

E-mail address: [email protected]

vuukle comment

CHIEF

CHIEF TAMAYO

EFIPANIA

ENDITO

KUNG

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with