I beg your pardon?

ANG pinakapamosong halimbawa ng “executive clemency” sa kasaysayan ay ang pagpapalaya ni Pilato kay Barabas kasabay ng paghatol niya ng kamatayan kay HesuKristo. Sa Pilipinas, mula pa nung panahon ni Ka­lantiaw, ang kabigatan ng pagpataw ng hari ng kapa­rusahan ay napapagaan ng karugtong nitong kapang­yarihang magpatawad. Ika nga, kung ang galit ng bansa ay nilalabas sa pagpaparusa ng hukuman, ang malasakit ng tao ay maipapakita sa pamamagitan ng pag-pardon ng Presidente.

Hindi na bago sa Pilipino ang executive clemency. Maaring sa ngayon, dahil sa kontrobersya ng Erap pardon, ay natutuon ang pansin ng tao sa karakter nito bilang isang personal na kapatawaran. Sa mga desisyon ng ating Hukuman, tinawag itong “Act of Grace”:  Isang personal na usapan sa pagitan ng Presidente at ng hinatulan. Subalit ang gamit ng kapang­yarihang ito ay hindi lang para mabigyan ang namumuno ng layang makapamili ng  mga natatanging “anak ng Diyos”. Sa ating kasaysayan, kadalasan nakikita ang pardon tuwing mayroong mga  malalalim na sugat sa lipunan na kailangan ng agarang paghilom. Mula pa ng panahon ng mga Kastila, karaniwan nang ginagamit ang clemency upang ialok sa mga rebelde at iba pang kaaway ng pamahalaan nang matahimik ang lipunan at mailayo sa patuloy na hidwaan. Ginawa ito sa unang pagtatag ng gobyerno ng mga Kastila nung ika-16 na siglo; maging sina Juan Luna at iba pang mga kaibigan ni Rizal ay napagbigyan nung panahon ng rebolusyon ng ika-19 na siglo; pagpasok ng mga Amerikano nung 1902 ay mayroon ding pardon proclamation si President Theodore Roosevelt para sa mga kababayan nating ayaw sumuko. Ito lang mga panahon ni Presidente Aquino at Ramos, kabilang si Gringo sa mga nabigyan ng amnestiya sa ngalan ng reconciliation.

Ang ganitong pananaw sa pardon power ng Presidente ay maaring makatulong sa mga nakadarama ng galit sa tingin nilang pag-abuso rito. May kaibang opinyon si Justice Oliver Wendell Holmes ng Ame­rika: Ang pardon ay hindi “act of grace” – ito’y bahagi ng pama­malakad ng Konstitusyon. Isang pagkilala na hindi ang kagus­tuhan ng hinatulan ang masusu­nod. Ang wastong batayan ay ang paniwala ng Presi­dente na makabubuti ito sa kapaka­nan ng karamihan.

Show comments