NALAMAN kong pinatigil na ni GMA ang imbestigasyon ng Presidential Anti-Graft Commission sa pamumudmod ng pera sa mga kongresista, governors, mayors at iba pang mga local officials. Mali raw na ang PAGC ang mag-imbestiga sapagkat hindi nito sakop ang mga miyembro ng Kongreso.
Si GMA ang nag-utos noon na gumawa ng pagsisiyasat ang PAGC sa nabukong pamimigay ng pera sa mga kaalyadong opisyal ng gobyerno. Hindi ko nagustuhan ang aksyon ni GMA sapagkat ang PAGC ay nasa ilalim ng Office of the President. Anong klaseng imbestigasyon ang gagawin ng PAGC? Paano kung sangkot si GMA sa suhulang ito? Pwede bang utusan ni GMA na imbestigahan ang kanyang sarili at kung nagkasala ay parusahan ang kanyang sarili? Kalokohan ito.
Ipaubaya na lamang daw sa Ombudsman ang pag-iimbestiga sa eskandalong ito. Pero baka wala na namang mangyari sa kasong ito. Dalang-dala na ako sa pinaggagagawa ng Ombudsman. Ni isang kasong hinawakan ng Ombudsman ay wala pa akong matandaang binigyan ng matinding kaparusahan.
Malaki ang aking paniwala na walang mangyayari sa kaso ng pamumudmod ng pera.
Lahat halos ay negatibo ang tingin sa Arroyo administration. Marinig lamang ang apelyidong Arroyo ay masama na kaagad ang iniisip. Nanghihinayang naman ako sapagkat alam kong mabuti at matalino si President Arroyo. Kilala ko na si GMA noon pa mang bata pa siya. Nakikita ko siya noon sapagkat tumulong ako sa pangangampanya ng ama niyang si President Diosdado Macapagal. Nakapanghihinayang talaga!