ANG bilis talaga ng panahon. Sampung taon na ang HALA BIRA ngayon mula nang lumabas sa Pilipino Star NGAYON nuong Oktubre 20, 1997. Noon pa man ay nakikita na ang patuloy na pagpatok ng PSN sapagkat mahusay at may reputasyon ang mga namamahala nito na pinamumunuan ni Mr. Miguel G. Belmonte, president at Mr. Al Pedroche, editor-in-chief. Tinatangkilik ang PSN dahil may kalidad ang format at contents.
Walang pinapanigan at walang pinoprotektahan. Ipinagmamalaki ko na hindi dinanas sa 10 taon kong pagsusulat ng column ang pagpapatigil sa nais kong isulat o di kaya naman pinakiusapang huwag birahin o sulsulang atakehin ang sinuman.
Nagpapasalamat ako sa pagkakataong ibinigay sa akin ng pamunuan ng PSN upang maisakatuparan ang aking tungkulin bilang responsableng mamamahayag. Lubos ang aking paniniwala na hindi magbabago ang magandang panuntunan ng PSN upang hindi masira ang pagtitiwala ng taumbayan at mga tagasubaybay.
Ang nakakalungkot nga lamang, hindi pa rin nagbabago ang kalagayan ng Pilipinas mula noong magsimula ang HALA BIRA sa PSN 10 taon na ang nakararaan. Patuloy pa rin ang graft and corruption, patayan, jueteng, droga, pulitikahan, terorismo at iba pang kaguluhan. Lalong tumitindi ang suhulan na kinasasangkutan ng mga matataas na opisyal ng gobyerno.
Sa tingin ko, patuloy na masusubukan ang PSN sa paglalathala at pagbatikos sa mga gumagawa ng katiwalian. Magpapatuloy naman ang HALA BIRA na gampanan ang tungkulin sa pagpuna sa mga guma-gawa ng katiwalian at kasamaan. At kung bumibira ang HALA BIRA, marunong din namang pumuri sa mga gumagawa ng kabutihan sa bansa.