EDITORYAL – Ang baril kapag dala ng driver
MARAMI nang insidente na nagbanggaan ang dalawang sasakyan, nagtalo sa parking, nagkagitgitan o kahit na natalsikan lamang ng putik dahil sa mabilis na pagmamaneho ay namaril na ang isang driver at napatay ang kanyang katalong drayber din. At sa kabila ng mga ganitong insidente, hindi pa rin nagkakaroon ng leksiyon ang mga drayber. Marami pa rin ang nagdadala ng baril habang nagmamaneho at kaunting deperensiya sa trapiko ay uubusin na ang bala ng kanyang baril sa ulo ng drayber na nakatalo.
Noong nakaraang linggo, dalawang tao ang napatay dahil sa pamamaril sa Pasig City. Ang dahilan: Away sa trapiko. Ang mga napatay ay sina Edgardo Calisares at Catherine Palmero. Ang suspek ay si Manito Hernandez, isang abogado. Muntik nang magkabanggaan ang minamanehong sasakyan nina Calisares at Hernandez. Bumaba umano si Calisares at kinumpronta si Hernandez. Hindi naman umano kumibo si Hernandez at sa halip ay umarangkada. Sinipa umano ni Calisares ang sasakyan ni Hernandez. Ayon sa mga nakasaksi, bumaba si Hernandez at pinagbabaril si Calisares pati na rin ang kasamang si Palmero.
Naulit na naman ang mga nangyaring patayan dahil sa away trapiko. Sino ang makalilimot sa pagbaril ni Rolito Go sa La Salle student na si Eldon Maguan. Nakakulong pa hanggang ngayon si Go. Sino ang makalilimot sa pagbaril sa isang buntis sa isang memorial park ilang taon na ang nakararaan dahil lamang sa pagtatalo sa parking. Sumuko na ang nakabaril at nakakulong pa rin hanggang ngayon.
Noong Dec. 25, 2005, isang pulis Quezon City ang nakapatay ng dalawang lalaking nakamotorsiklo makaraang magkasagian sa Gen. Luis St. Novaliches, Quezon. Pinagbabaril ng pulis ang dalawang lalaki. Nasa kulungan pa rin ang pulis. Ilang taon na ang nakararaan, dalawang alumni ng Philippine Military Academy ang nagbarilan dahil lamang sa agawan sa parking space sa Quezon City.
Marami nang namatay at marami rin naman ang nagdurusa dahil sa pagpatay na ang gamit ay baril. At sa kabila niyan, paulit-ulit pa rin ang insidente.
Ang batas sa pagdadala ng baril sa bansang ito ay masyadong maluwag. Madaling makakuha ng permit. Kahit nga election time ay may nagdadala. Mas maganda kung may total gun ban sa lahat ng oras. Hindi maaaring ilabas ng bahay ang baril. Pero hindi ganito ang nangyayari kaya naman maraming nagbubuwis ng buhay.
- Latest
- Trending