Gutom, sa magandang ekonomiya?
BUMABA na ng P44.85 ang isang dolyar. Malaking tulong nga ito sa atin dahil kung hindi malakas ang piso ngayon, tiyak na mas mataas ang presyo ng gasolina ngayon. Isang French company pa ang nagsabi na baka tumaas pa sa P43 ang isang dolyar sa katapusan ng taon, lalo na kapag nagpasukan na ang mga dolyar na galing sa mga OFW ngayong kapaskuhan. Tila gumaganda nga ang ekonomiya. Pero bago tayo magsaya at maging kampante sa katayuan natin, may isang numero pa na kailangang makita. Base sa isang pagsusuri ng Social Weather Stations, halos apat na milyong pamilya ang nakaranas ng kahit isang beses na gutom sa loob ng tatlong buwan. Apat na milyong pamilya!
Kadalasan, karamihan sa atin ay hindi na bini bigyan ng pansin ang pagkain natin. Alam natin na kahit anong oras ay may makakain tayo, kahit biskwit lang, kapag ginutom tayo. Pero ayon nga sa pagsusu ring ito, maraming pamilya ang nakakaranas ng matinding gutom kahit minsan sa loob ng tatlong buwan. Nakaranas na ba kayo ng matinding gutom? Yung gutom na hindi sadya? Yung wala talagang makain kasi walang pambili? Dapat siguro maranasan natin para maintindihan natin ang dinadaanan ng halos apat na milyong pamilya sa Pilipinas. Madalas nga nakikita ko ang napakaraming nasasayang na pagkain sa mga restoran at kainan. Walang pakialam ang mga nag-iiwan nito kung anong gagawin sa mga tira nila. Siyempre tinatapon lang ito. Dahil dito, mas may nakakain pa nga ang mga daga at ipis, kaysa sa mga tao! Maganda siguro kung ipabalot na lang ang tira, at ipamigay na lang sa mga nakikita natin sa lansangan. Sigurado ako matutuwa sila. Hindi ito solusyon sa malawak na kagutuman, pero para sa bibigyan mo, isang araw na hindi siya nagutom.
Dito mo rin maiisip ang kasalukuyang kontrober-syal na ZTE/NBN deal. Kung totoo nga na may kumita na ng $130 milyong dolyar, isipin na lang natin kung ilang pamilya ang mapapakain ng ganung pera, na pinag-aawayan lang ng iilang tao! Mga tao nga naman! Sa Amerika, may mga tinatawag na “Soup Kitchen” kung saan may konting pagkain para sa mga walang tinutuluyang mga tao.
Ito’y pinatatakbo ng mga boluntaryo na nakakakuha ng pondo sa pamamagitan ng mga donasyon. Makagawa rin kaya tayo dito ng ganyan? Mukhang mahirap sa sobra sigurong dami ng dadagsa! Baka may isa riyan, maki-sabaw pa! Magpasalamat tayo at hindi tayo kabilang sa apat na milyong pamilya na nakararanas ng gutom. Pero magmalasakit din tayo sa kanila. Mga maliit na tulong, malaki na rin kapag sama-sama na. At huwag nang mainis, kapag nasa sabihan na maraming nagugutom sa mundo, kaya dapat ubusin ang pagkain at huwag sayangin. Kasi ito’y totoo. Kung apat na milyong pamilya sa Pilipinas pa lang, paano na sa buong mundo?
- Latest
- Trending