‘Warrant para sa pikon’
NAILATHALA KO ang artikulong ‘Napikon sa Debate.’ Ito ay ang istorya ng dalawang lalaki na hindi naman mag-iba at magkaanak pero madalas magdebate sa maraming bagay. Nais kong magbigay sa inyo ng update at magandang balita sa kasong ito na naging mabilis ang paglabas ng resolution.
May kasabihan nga tayo na ang pikon ay laging talo. Sa isang kwentuhan meron parating tumatayong bida. Meron namang kumokontra at nauuwi sa debatihan lalo na kung mga pawang nakainom na ang mga ito. Maganda sana ang ganitong pagsasalu-salo na bagamat magkasalungat sila ng pananaw pagalingan na lamang sila ng mga argumento. Ang masama ay kung ang pagdedebate ay nauuwi sa gulo dahil merong isang pikon na hindi marunong tumanggap ng pagkatalo. Away ang kahihinatnan nito. Nagkakasakitan at merong mga insidenteng nauuwi sa patayan gaya ng nangyari sa kasong ito.
Inilapit sa aming tanggapan ni Florence Maquirang ng Dasmariñas, Cavite kasama ang kanyang kapatid na si Welsie. ang kaso ng pagpaslang ng kanyang ama.
Madalas magtalo ang mapinsang sina Federico Maquirang at si Johnny Galang. Sa tuwing mag-uusap ang dalawa ay nauuwi lang sa pagtatalo lalo na sa usaping pulitika dahil may kanya-kanya silang paniniwala at prinsipyo.
Ika- 18 ng Abril 2007 ng alas-5:40 ng umaga sa Brgy. Comod-om, Alcantara, Romblon naganap ang insidente. Dumating ang anak ni Herminia Nacor, si Rey Nacor mula sa Maynila upang magbakasyon ng ilang araw sa kanilang lugar.
Magkasama sina Johnny at Federico na nagbuhat ng mga dalang bagahe ni Rey. Pakatapos noon ay nagkape na ang dalawa. Habang nagkukuwentuhan sinabihan ni Johnny ang pamangkin nito na sa susunod na linggo na lang ito umuwi para mabigyan ng passes sa barko galing sa isang pulitiko sa kanilang lugar. Nagsalita naman si Federico ng ‘Mabuti ang leader dyan, maraming pera.
Hindi naman nagustuhan ni Johnny ang sinabing ‘yon ni Federico kaya naman tinanong siya kung siya ba ang pinariringgan nito. Nagtalo ang dalawa hanggang sa pinagbantaan ng suspek ang biktima at sinabi nitong ‘Huwag mo akong lolokohin baka patayin kita.’
Kumuha ng putol ma kawayan si Johnny at tangkang ipapalo ito sa biktima. Mabuti na lamang ay naawat ito ng kanyang pamangkin at sinabihan ang mga ito na mabuti pang pareho silang umuwi sa kani-kanilang mga bahay. Bandang alas-7 ng umaga nang umuwi ang dalawa matapos ang kanilang pagtatalo.
Hindi naman akalain nitong si Federico na ang nangyaring pagtatalo ay labis na ikinagalit ni Johnny sa kanya. Umuwi pala sa kanilang bahay si Johnny upang kumuha ng baril.
Nasaksihan din ni Rachel Nacor, pamangkin ng biktima at suspek ang nangyaring pamamaril. Nang dumating si Rey nautusan siyang dalhin kay Glen Soliven ang isang bagahe. Pauwi na siya noon at malapit na sa bahay ng biktima nang makarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril. Doon ay nakita niyang binaril ni Johnny si Federico sa labas ng bakuran nito.
Nang matumba ito nakita rin niyang kinuha ni Johnny ang karit kay Federico. Matapos ang ginawang krimen, sumakay ito sa motorsiklo at mabilis na nilisan ang lugar na pinangyarihan ng krimen.
Nagsampa ng kasong Murder ang pamilya ni Federico laban kay Johnny. Lumapit sa amin ang magkapatid na Welsie at Florence upang mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanilang ama sapagkat ayon sa kanila wala silang alam pagdating sa mga ganitong kaso.
Kamakailan lamang ay muli silang bumalik sa aming tanggapan dito sa CALVENTO FILES at sa aming radio program ni Secretary Raul Gonzalez, ang HUSTISYA PARA SA LAHAT upang ipaabot sa amin ang kanilang pasasalamat na mabilis na paglabas ng resolution sa kasong isinampa nila laban kay Johnny. Pumabor sa kanila ang resolution at Murder ang kasong inirekomenda dito. Sa ngayon ay nagtatago na ang suspek.
Parating sinasabi na ang pikon ay laging talo kaya dahil dito nalabasan na ng warrant ang pikon na ito. Pagmasdan n’yo ang larawan ni Johnny Galang.
Para sa anumang impormasyon na makapagbibigay-alam sa kinaroroonan ng suspek maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
E-mail address: [email protected]
- Latest
- Trending