‘F@#K YOU...!’
ANG PAGMAMALASAKIT SA KAPWA AY GAWAING MAGANDA. Ang mamagitan sa isang gulo at subukang awatin ang magkalabang panig na sangkot dito ay meron ding kakambal na panganib.
Subalit hindi rin natin basta na lamang pabayaan na ito’y sumiklab sa isang “full blown war” lalo na’t kung ang mga sangkot ay hindi iba sa atin, Paano hihintuin ang away ng lasing?
Ganito ang kasong inilahad sa aming tanggapan ni Imelda Bueno ng Mabalacat, Pampanga nang magpunta sa aming tanggapan.
Pagpipintura ang trabaho ng biktimang si Angelito Bueno habang ang ama nitong si Manolo at mga kapatid na sina Albert at Alfie ay kasa-kasama rin nila sa paggawa o pagkakarpintero. Samantala nakapag-asawa si Angelito, si Ria Ibe-Bueno at nagkaroon ng dalawang anak. Dahil sa napangasawa ni Angelito si Ria binigyan naman nito ang kapatid ng asawa, si Ryan Ibe ng pagkakataon na makasama sa tuwing may tanggap silang trabaho.
Bago maganap ang insidente noong ika-29 ng Mayo 2007 bandang alas-10:25 ng gabi sa isang tindahan sa kahabaan ng Yellow St., Camachiles Resettlement Center Phase I, Brgy Sapang Biabas, Mabalacat, Pampanga ay nag-iinuman ang isang grupo na kinabibilangan nina Randy Gomez, Efren Basa, Danny Boy Gutierrez, Rodel Saloria at Erwin Sanggalang. Naroroon din noon si Marjorie Timbol, isa sa mga saksi sa nangyaring insidente na nakikipagkuwentuhan sa mga nag-iinuman.
Magkasama naman noon sina Albert Bueno at Ryan na galing sa bahay ng huli. May dala-dala itong bote ng alak at nagpunta sa tindahan. Ilang sandali pa lamang ang nakakalipas nagulat na lang daw ang grupo ni Randy nang nagmura si Ryan ng ‘F#@K YOU’. Nilapitan ni Randy sina Albert at Ryan. Nagalit si Randy sa inasta ni Ryan hanggang sa nauwi sa mainit na pagtatalo ang dalawa.
Sa salaysay ni Marjorie, pinagtulungang suntukin nina Albert at Ryan si Randy. Papaluin na sana ni Ryan ng bote si Randy subalit mabilis naman itong nakailag at ang tinamaan dito ay si Albert. Nang makita ng grupo ni Randy ang nangyayaring kaguluhan lumapit ang mga ito para umawat.
“Mabilis namang tumakbo si Ryan pauwi sa kanilang bahay nang maawat ito habang nagsisigaw ito sa mga nakaaway niya na pagsisisihan nila ang nangyaring ‘yun,” sabi ni Imelda.
Makalipas ang ilang sandali bumalik si Ryan na kasama ang tatay nitong si Reynaldo. Inuwi nito si Ryan sa kanilang bahay habang sina Randy naman ay pinuntahan ang bahay ng una at pinagbabato ito Lumaban naman ng batuhan si Ryan pero pagkaraan nito ay umatras na rin ang grupo ni Randy. Samantala humingi naman ng tulong si Reynaldo sa manugang nitong si Angelito upang maawat ang kanyang anak. Hindi naman nito alam na paparating ang kanyang ama na kasama ang bayaw niya.
Nang kumatok sa gate si Angelito, biglang lumabas si Ryan na may dalang kutsilyo at sinaksak ang biktima. Ang akala nito na isa sa mga kalaban niya ang dumating.
Humingi ng saklolo ang biktima habang sinasabi nito na bakit nagawa sa kanya ‘yun at hindi ba nito alam na hindi siya kalaban. Pagkatapos noon ay bigla na lamang tumumba ang biktima at dinala sa pinakamalapit na pagamutan. Subalit binawian na rin ng buhay si Angelito dahil sa tinamo nitong saksak sa bandang dibdib nito.
“Noong una ay hindi pa namin alam na si Ryan pala ang nakasaksak kay Angelito dahil dalawang gabi pa itong nakiramay sa burol nito. Ang pagkakaalam nga namin ay grupo ni Randy ang nakapatay sa anak ko,” pahayag ni Imelda.
Sa imbestigasyon ng mga pulis sa Mabalacat Police Station kung saan ang lahat ng mga nasangkot sa nangyaring insidente, masusi nilang pinag-aralan ang kaso at nagkaroon din ng komprontasyon. Nalaman nila na inilihinm nina Reynaldo at Ryan Ibe ang katotohanan na ang huli ang responsable sa pagkakasaksak kay Angelito at sinasabi nila na si Randy at ang grupo nito ang nakapatay sa biktima. Subalit positibo namang itinuro ni Marjorie na si Ryan ang nakasaksak kay Angelito. Idinagdag pa dito ang naging pahayag ni Jacob Calma na umamin sa kanya si Ryan na nasaksak niya ang kanyang bayaw.
Nagsampa ng kasong Himicide ang pamilya ni Angeltio laban kay Ryan subalit hindi naman ito dumalo sa preliminary imvestigation upang magbigay ng kanyang kontra-salaysay at ebidensiya. Hindi na rin ito nagpakita pa sa kanilang lugar. Dahil dito mabilis na lumabas ang resolution na naging pabor naman sa pamilya ng biktima.
Samantala ayon kay Imelda, nakikiusap ang kanyang manugang na si Ria na kung maaari ay patawarin na lamang ang kanyang kapatid dahil hindi naman nito sinasadya ang nangyari. Hindi naman ito pumayag sa kagustuhan ni Ria dahil ang nais nito at ng buong pamilya nila ay mabigyan ng hustisya ang nangyari kay Angelito at pagbayaran ni Ryan ang kanyang nagawa.
Para sa anumang impormasyon na makapagbibigay-alam sa kinaroonan ng suspek na si Ryan Ibe maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.
* * *
E-mail address: tocal13@yahoo.com
- Latest
- Trending