LIBU-LIBONG padalang packages ang dumadating sa Pilipinas mula pa sa ibang bansa. Maaaring ang laman ng mga ito ay simpleng padala o pangregalo ng mga kakilala o kamag-anak man ng ating mga kababayan mula pa sa ibang bansa.
Sa unang tingin, aakalain mong mga simpleng padalang karton lamang. Paano kung ang laman pala ng mga kartong ito ay mga produktong puslit o smuggled?
Kapag hindi mo sinuring mabuti o talagang sadyang pinalampas ito ng mga otorisadong tao na may kapangyarihang harangin ang mga ganitong klase ng packages, tiyak na malulusutan ang ating gobyerno.
Dahil puslit o smuggled lamang ang mga produkto, hindi ito napapatawan ng karampatang tax o buwis na dapat sana’y regular na ginagawa ng tauhan ng customs sa isang mailing center.
Subalit dahil kakutsaba ang mga opisyales na dapat guma gawa ng ganitong proseso, malayang nakakapasok ng ating bansa ang mga puslit o smuggled items mula sa ibang nasyon.
Ang siste, ang buwis na para sa ekonomiya ng Pilipinas, sa bulsa na lang ng ilang tauhan ng mailing o exchange center ito napupunta. Bilyones kaagad ang nawawala sa ating gobyerno.
Ganito ang sitwasyong nangyayari ngayon sa tangga- pan ng Central Mailing Exchange Center o CMEC kung saan may nakalusot sa kanilang serbisyong Express Mailing Center (EMS) na mga counterfeited o pekeng smuggled N95 cellphones galling China.
Ang tawag sa sistema kung saan kakutsaba ng tiwaling negosyante ang ilang tauhan ng EMS sa pagpapalusot ng mga produktong smuggled, estilong SIPA o TADYAK.
At hindi na ito bago sa BITAG dahil taong 2005 pa lamang, may trinabaho nang ganito ang aming grupo sa tanggapan din mismo ng CMEC.
Ngayong taon na ito, masakit man sabihin, namamayagpag na naman ang sindikato ng sipa o tadyak. Bagay na hindi matanggap ng nagwawala at nakikipagdiskusyong direktor nito na si Oscar Lazo.
Hindi estilo ng BITAG ang manira o siraan ang kredibilidad ng isang tanggapan (kung meron nga bang kredebilidad?). Layunin lamang ng BITAG na ilantad ang katotohanan sa mga katiwaliang nagaganap saan mang opisina.
Subalit mukhang hindi katanggap-tanggap ang sitwasyong pamamayagpag na naman ng ilang tiwaling tauhan ng CMEC kay Lazo kaya’t abala ito sa kanyang pangangatwiran at pakikipagdiskusyon.
Bakit nga ba hindi, nakakainsulto nga namang malaman na pinipindeho at naiiputan siya sa ulo ng ilan sa kanyang dorobong tauhan na nakikipagsabwatan sa ilang tiwaling negosyante.
Gawa at hindi ngawa ang una mong gawin Lazo. Sinisigurado ko sayong may magandang resultang kalalabasan ukol sa bagay na ito kapag kumilos ka.
Subukan mo namang umaksiyon katulad ng pinapangako mo sa ha-rap ng BITAG noon pa mang 2005!