Rigodon, utang ng loob at brain drain
MUKHANG nagsimula na ang rigodon sa palasyo. Napunta si Sec. Angelo Reyes sa Department of Energy (DOE) mula sa Department of Environment ang Natural Resources (DENR). At ang bagong secretary naman ng DENR ay si dating Manila Mayor Lito Atienza. Si Sec. Rafael Lotilla naman ng DOE ay bumitiw na sa kanyang puwesto. Bumitiw o sinibak? Hindi ko pa matiyak. Ayan, tumigil na sandali ang tugtugin.
Mukhang hindi pa rin talaga tapos magbayad ng utang ng loob si President Arroyo sa mga taong tapat sa kanya, at tumulong sa kanyang pagka-presidente ng bansa. Maaalala na si Angelo Reyes ang Chief of Staff ng AFP noong naganap ang EDSA Dos. Ang pagbaliktad niya ang nagsilbing huling pako sa kabaong ng administrasyon ni Presidente Erap noong 2001. Itong posisyon niya bilang secretary ng DOE ay pang-apat na puwesto na itinakda sa kanya ni GMA. Talaga naman ano? At si Lito Atienza naman ang inilagay sa DENR. Alam din ng lahat kung gaano katapat si Atienza sa presidente. Nang magkaroon ng anyong oposisyon ang Liberal Party, nagtayo siya ng sarili niyang pangkat, kasama si Mike Defensor na isang tapat din kay GMA. Si Atienza rin ang nagsilbing campaign manager noong 2004 presidential elections. Kaya ganun na lang siguro ang utang ng loob ni GMA sa mga taong ito. Kataka-taka naman ang pagtakda ni Atienza sa DENR, matapos gawin niya sa Arroceros Park ang pagsara nito sa publiko at ang pagputol ng mga puno roon para magtayo ng gusali para sa guro. Ito’y binuksan muli ni Mayor Alfredo Lim at ipinatigil na rin lahat ng ginagawang pagtatayo roon. Ilang puno naman kaya ang ipapuputol niya ngayon para gumawa ng mga gusali? Pero masasabi ko rin na ngayon, bagay na ang mga paboritong polo niya sa bagong posisyon niya. Sana ganun din ang gawin niya sa buong bansa – punuin niya ng mga puno at bulaklak, lalo na sa siyudad kung saan matindi na ang polusyon.
Kapuna-puna naman ang mga pahayag ni Rafael Lotilla sa kanyang pagbitaw bilang secretary ng DOE. Gusto na raw niyang magsumikap ng mga mas intelektuwal na mga gawain. Pagkalipas ng dalawang dekadang pagsilbi sa gobyerno, eh hindi raw naeensayo ang utak niya, kaya gusto na niyang bawiin ang nawala niyang mental na kapital. Sa gobyerno raw, ay hindi ka pinapayagang mag-isip ng mas malalim kahit gusto mo. Naku, eh parang sinabi na rin niya na naging bobo siya habang nagsisilbi sa gobyerno! Marami pang puwedeng basahin sa gitna ng mga salita ni Lotilla. Kung ganun pala, bobo na rin ang lahat ng matagal nang nagsisilbi sa gobyerno. Kung sabagay, hindi mo naman kailangang maging matalino para intindihin na pera at katapatan lang ang kailangan para manilbi nang maayos sa gobyerno. At dahil naninilbihan ka nga lang, eh may dapat pa rin na masunod na mataas ang kapangyarihan sa iyo. Kaya wala ngang silbi ang utak mo! Ang masasabi ko lang kay Sec. Lotilla, good luck sa mga bagong hangarin mo, at sana makamtan mo ang lahat ng gusto mo na sa buhay! Ika’y malaya na!
- Latest
- Trending